Best center founder at batiking coach Jorge, yumao sa edad na 78
- A. Servinio/MC
- Jun 14, 2020
- 2 min read

Nagulat ang mundo ng Pinoy Basketball matapos pumanaw ang batikang coach na si Nic Jorge noong Sabado ng umaga sa edad na 78. Pinakamalaking niyang ambag sa kasaysayan ng laro ang pagtatag ng Basketball Efficiency and Scientific Training (BEST) Center na naging daan para makatuklas ng maraming alamat at kasalakuyang manlalaro.
Simula 1978 gamit ang makabagong paraan ng pagtuturo at pag-ensayo, ilan sa mga matagumpay na nagtapos sa programa ay sina Benjie Paras, Jun Limpot, Chris Tiu at magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena. Mga tanyag at ginagalang na pangalan sa larangan ng Basketball ang nagsilbi bilang mga coach tuwing bakasyon sa paaralan ng mga bata.
Hinawakan ni Coach Jorge ang pambansang koponan sa 1978 FIBA World Cup na ginawa sa Pilipinas. Tinalaga din siya bilang Secretary General ng Basketball Association of the Philippines (BAP) bago ito binuwag at pinalitan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Noong 1980 ay napili siya maging coach ng bagong koponan sa PBA na Galleon Shippers na ginabayan niya hanggang nagpalit ito ng pangalan sa CDCP noong 1981. Bumalik siya sa PBA noong 1983 at nag-coach sa Manhattan Shirts sa First Conference bago siya pinalitan ng dating import na si Glenn McDonald bago ang Second Conference.
Nagsimula ang karera ni Coach Jorge sa University of the Philippines noong 1964 sa edad na 23. Ilan sa mga iba pang niyang hinawakan ay ang Masagana 99 sa MICAA at Mapua Institute of Technology sa NCAA. Bumalik sa UP noong 1997 hanggang 1999.
Isa rin siya sa mga nagtatag ng Father Martin Cup noong 1986, ang pinakamalaking torneo ng mga paaralan sa tag-init bago sila sumabak sa kanilang mga inang liga. Iniwan ni Coach Jorge ang kanyang maybahay na si Marilyn, mga anak at apo.