Sa panahon ngayong internet ang karaniwang pampalipas-oras ng mga tao dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), for sure, may mga beshy na tayo r’yan na may mga nakaka-chat.
Malamang, may ilan d’yan na todo-asa na maging dyowa na ang kanilang palaging kausap, pero bago kayo umasa na pang-love life na ‘yan o pampalipas oras lang, narito ang mga “red flags” o “no-no” na dapat ninyong bantayan:
1. NAGSABI AGAD NG “I LOVE YOU”. Agad-agad? Love nga ba talaga o bored lang? Naku, mga besh, ingat kayo sa mga nagsasabi ng “I love you” ngayong quarantine period dahil baka bored lang ‘yan. ‘Wag masyadong magpadala sa mga mabulaklak na salita dahil baka pagtapos ng ECQ, nga-nga ka na.
2. NANGHIHINGI NG PERA. Sugar mommy/daddy ka, ghorl? Kapag hiningan ka ng pera, it’s either igo-ghost ka na niya o gagawin kang ATM machine hangga’t nagkakausap kayo. Kapag umpisa pa lang ng pag-uusap ninyo at ginawa niya na ito sa ‘yo, it’s a sign.
3. AYAW MAGPAKITA NG MUKHA. Kung matagal na kayong nagkakausap o nakapagpalagayan ng loob, for sure, nakita niyo na ang isa’t isa kahit sa video call lang. Pero kung ayaw niya talagang magpakita ng mukha, besh, tigilan mo na ‘yan. Maaaring pinaglalaruan niya lang ang feelings mo o gumagamit siya ng ibang identity, in short, poser siya.
4. LULUBOG-LILITAW. Feeling palitaw? ‘Yung tipong manggo-ghost siya, tapos biglang na namang magpaparamdam. Ano ‘yun, nand’yan lang siya kapag trip niya o bored siya? Tandaan, kapag totoong interesado sa iyo ang kausap mo, hindi niya ipararamdam sa iyo na boring kang kausap. Sa halip, gagawa siya ng paraan para magpatuloy ang pag-uusap ninyo.
5. INAALAM AGAD ANG ADDRESS MO. Kapag inalam niya agad ang address mo at kung paano makakapunta rito, maliwanag itong sign na dapat ka nang magduda. Bakit naman kailangang alamin agad, ‘di ba? Kailangan nating maging maingat sa pagbibigay ng ganitong mga impormasyon dahil hindi lang ikaw ang maaaring malagay sa panganib kundi pati ang iyong pamilya o iba pang kasama sa bahay.
6. NAG-CANCEL BIGLA NG PLANO. Kung nagplano kayong magkita pagtapos ng community quarantine at bigla siyang nag-cancel sa last minute, i-cancel mo na rin siya sa buhay mo, bes!
Kung ngayon pa lang ay nakikita mo na ang mga red flags na ito, it’s time para mag-reflect kung dapat pa kayong mag-invest ng oras sa ka-chat ninyo. Ngayong may pandemya, hindi lang kalusugan ang ingatan natin kundi pati na rin ang feelings at oras.
Oks lang makipag-chat pero ‘wag ninyong kalimutan na may mga bagay na dapat limitahan, gayundin, bantayan ang inyong kaligtasan laban sa “fake love” sa internet.
Gets mo?