Iginupo ng COVID-19 si dating Southeast Asian Games swimming champion Lukman Niode sa Pelni Hospital sa Indonesia.
Ang pagpanaw ng 56-taong-gulang na Indonesian ay naganap dalawang araw matapos na makumpirmang positibo si Niode sa nakamamatay na corona virus. Napaulat na unang sumailalim ang Indonesian sa "rapid testing" at negatibo ang resulta subalit nang gawin ang "swab test", dito na natuklasan ang kanyang infection.
Isa sa pinakamaningning na yugto ng swimming career ni Niode ay nang namayapag siya sa dalawang events noong 1983 SEA Games kasama na ang pagtatala ng Asian record sa 100 meter freestyle. Sumabak din siya noong 1984 Los Angeles Olympics sa tatlong events pero hindi ito nakalusot sa preliminaries. Sa kabila nito, naging milestone para sa Indonesian swimming ang kanyang pagiging Olympian.
Sa labas ng pool, naging bahagi rin ng Indonesian Olympic Committee (KOI) at ng Indonesian National Sports Committee (KONI) si Niode.