Tinapos ng COVID-19 ang buhay ni dating European middle distance champion Donato Sabia ng Italy.
Nagtagal sa Intensive Care Unit ng San Carlo Hospital (Potenza) ang 1984 European Indoor gold medalist sa 800 meters bago ito binawian ng buhay sa edad na 56.
Dalawang beses ding sumabak sa Olympics ang Italyano (1984 Los Angeles at 1988 Seoul). Pagkatapos magretiro sa kompetisyon, si Sabia ay naging bahagi ng Italian Athletics Federation sa pamamagitan ng pamumuno sa Basilicata Regional Committee.
Nauna rito, ilang mga sporting personalities na rin ang dinapuan ng COVID-19.
Kasama sa listahan si Russian Boxing Federation coach Anton Kadushin na diumano ay nakasagap ng virus kausap ang mga Armenian coaches habang sakay sa isang flight na pabalik na mula sa European Boxing qualifiers sa London.
Ang mga kasapi naman ng Hungarian swimming team kabilang na ang 26-taong-gulang na world champion na si Boglarka Kapas, pagkatapos manggaling sa training camps sa abroad ay kumpirmadong positive sa Corona Virus o COVID-19. Bukod kay Kapas, positibo rin sa virus sina Dominik Kozma, podium finisher sa World Cup at sa European Championships, David Horvath, Richard Bohus, Daniel Sos, Peter Nagy at Tamas Horvath.