Karamihan sa atin ay paniguradong nakararamdam ng pagkabagot, hindi mapakali o feeling restless sapagkat kailangan nating manatili sa bahay habang nasa enhanced community quarantine ang malaking bahagi ng ating bansa.
Ayon sa mga eksperto, dahil nakasanayan o parte ng sistema ng tao ang paglabas o gumawa ng mga outdoor activities, madali itong makaramdam ng pagkainip kapag nanatili ito sa loob ng bahay ng mahabang panahon.
Ang temporary disorder na ito ay tinatawag na ‘cabin fever’ o pakiramdam na nalilimitahan siya sa mga aktibidad na puwede niyang gawin.
At dahil bawal ang pasaway at kailangan nating sumunod sa abisong ‘stay at home’, narito ang ilan sa mga dapat nating gawin upang maiwasan ang ‘cabin fever’:
1. MAG-TAKE NG VITAMINS. Ang bawat bitamina ay may angkop na ‘essential nutrients’ na kinakailangan ang ating katawan. Halimbawa, ang Vitamin C ay immune system booster o makatutulong upang malakas ang ating resistensiya. Kailangan nating panatilihing malusog ang ating katawan nang sa gayun ay manatili ring malusog ang ating kaisipan upang makapag-isip tayo ng mga positibong bagay.
2. MAG-EHERSISYO. Marami sa atin ang inuubos ang panahon sa panonood ng T.V., movies at iba pa dahil sa paniniwalang isa ito sa mga paraan para hindi mabagot, pero dapat ay gamitin din natin ang pagkakataong ito para makapagpapawis. Sobrang oks ito dahil bukod sa nagagalaw-galaw ang ating kalamnan, magandang paraan din ang pagpapapawis para maiwasan ang deadly virus.
3. SUBUKAN ANG MGA BRAIN ACTIVITIES. Hindi lamang katawan ang nangangailangan ng ‘exercise’, kundi maging ang ating isipan. Maaaring magbasa ng mga libro, sumagot ng mga brain teaser o puzzle o matuto ng bagong skills sa mga ganitong pagkakataon.
4.LIMITAHAN ANG PAGKAIN NG SWEETS AT CARBOHYDRATES. Awat muna sa pagkain ng matatamis at carbs dahil ang madalas na pagkonsumo nito ay maaaring magdulot ng blood sugar imbalance. Ito ang dahilan kung bakit tinatamad tayong kumilos at madali tayong mainip sa paggawa ng mga bagay-bagay.
5. MAKIPAG-COMMUNICATE. Kung nagrereklamo tayo noon na wala tayong time sa pamilya, marahil ito na ang pagkakataon upang makabawi sa kanila. Makipagkuwentuhan o makipag-bonding tayo para mas tumibay pa ang ating pagsasama. Pero, kung malayo naman sa ating mahal sa buhay, puwedeng gamitin ang social media para maka-connect sa kanila.
Hindi madaling gawin ang hindi nakasanayang sistema pero kung patuloy nating iisiping matagal na panahon pa tayong mananatili sa bahay, siguradong maiinip talaga tayo sa paghihitay na matapos ito. Imbes na magreklamo nang magreklamo, gawin nanating makabuluhan ang bawat araw. Gets mo?