Ilang linggo bago pa man ideklara ang enhanced community quarantine, marami na sa atin ang nag-umpisang mamili at mag-stock ng grocery items, partikular ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan. Ngunit dahil sa patuloy na paghihigpit ng abisong ito, maging ang pagkakataong makapamili ay nalimitahan na rin.
Kaya naman, narito ang ilang tips natin para iwas-hassle na sa pamamalengke o para ma-budget nang maayos ang stock ngayong enhanced community quarantine period:
1. MAG-STOCK NG MGA PAGKAING TUMATAGAL. Bukod sa mga de-lata, noodles at ibang pagkain na kabilang sa survival food commodities, mag-stock din ng dried food tulad ng tuyo at daing. Oks din kung isasama sa listahan ang bagoong dahil hindi lamang ito magagamit na pampalasa kundi puwede ring pang-ulam.
2. UNAHIN ANG MGA RAW FOOD. Walang problema kung nakapamili ng isda, karne at iba pang fresh food dahil maaari itong ilagay sa refrigerator. Pero, dapat ito ang unahing ikonsumo upang hindi masira at masayang dahil hindi naman ito tulad ng ibang survival food commodities ay maaaring tumagal ng ilang buwan.
3. IKONSIDERA ANG IBANG MIYEMBRO NG PAMILYA BAGO MAGLUTO. Bagama’t, hindi dapat nag-iinarte sa mga panahong ito, hindi maiiwasan na ang bawat isa ay may kani-kanyang isyu pagdating sa pagkain – tulad ng allergies at iba pa. Kaya naman, bago magluto, siguraduhing lahat ay makakakain nito upang walang masasayang na anuman.
4. GUMAMIT NG MGA ALTERNATIBO. Dahil limitado ang ating resources, kailangan nating maging madiskarte. Hangga’t maaari ay gumamit ng mga alternatibong bagay na matatagpuan din mismo sa loob ng inyong bahay. Maaari kayong manood ng mga DIY (do-it-yourself) videos sa social media para magkaroon ng ideya.
5. TIYAKING MAAYOS ANG STORAGE NG MGA PAGKAIN. I-organize ang mga pagkain, ilagay ang fresh food sa refrigerator at siguraduhing maayos ang storage ng mga dry food. Tiyaking malinis at nasa tamang kondisyon ang mga ito dahil ang maling storage ng pagkain ang isa sa mga dahilan kung bakit madali itong nasisira.
6. BAGUHIN ANG ‘EATING PLAN’. Habang tumatagal, maaaring limitahan ang pagkain. Halimbawa, kung nasanay tayong kumain ng tatlo o higit pa sa isang araw, maaari itong bawasan o gawin ang ‘brunch’ (breakfast at lunch) saka hapunan na lang at uminom na lang ng maraming tubig.
Totoong mahirap diskartehan ang ganitong bagay dahil hindi maiiwasang hangga’t merong nakikita ay hindi tinitigilan. Pero dahil walang kasiguraduhan ang mga nangyayari, dapat matuto tayong pairalin ang disiplina sa sarili. Mag-ingat tayong lahat, mga ka-BULGAR!