Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng an-an sa mukha hanggang leeg ang aking bunsong anak. Hindi ito magandang tingnan, lalo na at morena siya. Ano ang puwedeng ipahid o gawin para mawala ito? – Edna
Sagot Ang an-an ay sakit sa balat na sanhi ng fungal infection. Ang an-an o tinea versicolor ay kadalasang nangyayari kapag ang fungus na natural na umiiral sa balat ng tao ay dumami.
Ang fungus na ito ay sumisira sa ibabaw ng balat at nag-iiwan ng mga puting patse sa balat.
Narito ang ilang dahilan kung bakit nagkakaroon ng an-an:
Oily skin
Naninirahan sa lugar na mainit ang klima
Pawisin
Mahina ang immune system
Ang organismo na sanhi ng an-an ay pangkaraniwan sa balat ng tao kaya hindi tulad ng iniisip ng karamihan, ang an-an ay hindi nakahahawa.
Ito ay puwedeng makaapekto sa lahat ng uri at kulay ng balat ngunit, mas karaniwan ito sa mga teenagers o young adults.
Ano ang gamot sa an-an?
Ang salicylic acid ay isa sa mga pinakamura at mabisang paraan ng paggamot sa an-an. Pagkatapos maligo, patuyuin ang buong katawan, partikular ang apektadong bahagi.
Kumuha ng bulak, basain ito ng salicylic acid at ipahid sa apektadong bahagi.
Tandaan: Ang salicylic acid ay nakasusunog ng balat kaya dapat mag-ingat sa paglalagay nito.
Ito ay maaaring ulitin pagkaraan ng dalawa o tatlong araw hanggang sa maalis na ang mga patse sa balat.
Paano makaiiwas sa an-an?
Ugaliing maligo araw-araw.
Makabubuti kung gagamit ng sabon na may sulfur dahil ito ay nakapapatay ng mikrobyo na sanhi ng mga kati-kati.
Iwasan ang pagbibilad sa araw.
Iwasan ang paghiram o pagpapahiram ng personal na mga gamit tulad ng damit o make-up kit.