top of page
Search
Shane M. Ludovice, M.D

Solusyon sa masakit na ngipin na ayaw pang ipabunot agad

Dear Doc. Shane, Maraming sirang ngipin ang anak ko at madalas niya itong iniinda. Mahilig siyang kumain ng matatamis, pero tamad siyang magsepilyo. Ano ba ang puwede naming gawin para maayos ito at okay lang ba na painumin ko siya ng gamot sa kirot o antibiotic kapag makirot ito? — Len

Sagot Kapag ang pagkabulok ng ngipin o tooth decay ay nag-uumpisa pa lamang, ang pagsunod sa mga patakaran ng ‘dental hygiene’ ay maaaring makasupil sa paglala ng bulok na ngipin. Kabilang dito ang pagsesepilyo ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw, pag-iwas sa pagkain ng matatamis tulad ng kendi at siguraduhing magpapa-check-up sa dentista kada 6 na buwan para matugunan ang ilang proseso ng pag-aalaga ng ngipin tulad ng oral prophylaxis o paglilinis ng ngipin.

Subalit, kapag ito ay medyo malala na, ang karaniwang lunas ay ang paglilinis sa ngipin at ang pagpapasta ng mga bahagi ng ngipin na apektado. Kung mas malala pa ang pagkabulok, maaaring maglagay ng ‘crown’ na ise-cement ang ngipin upang hindi maapektuhan ang korte nito. Sa mas malala pang mga bulok na ngipin, ang pagkabulok ay umabot na sa ugat ng ngipin ay kinakailangan nang gawin ang ‘root canal’, proseso kung saan aalisin ang ugat at iba pang buhay na bahagi ng ngipin at ang ititira na lamang ay ang mismong ngipin na siyang pupunuin ng mga materyales na tulad ng ginagamit sa pasta. Kalimitan, nakakailang balik ang mga pasyente sa dentista kung kailangang gawin ang ‘root canal’.

Kung sobrang lala na ng pagkabulok o ayaw na ng pasyente ng gastos o hirap ng gamutan, puwede ring bunutin mismo ang apektadong ngipin.

Para naman sa kirot, pangingilo o sakit na nararamdaman, puwede ang pag-inom ng pain reliever tulad ng mefenamic acid. Puwedeng uminom ng antibiotics ang pasyente, pero dapat may reseta ito ng doktor nang sa gayun ay malaman ang tamang pag-inom nito na makabubuti upang madaling gumaling ang pasyente.

Tandaan, hindi tayo dapat basta na lang iinom ng anumang antibiotic nang hindi inirereseta ng doktor.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page