
Lahat ng paraan para mataboy ang mga lamok ay ginagawa natin mula sa paggamit ng mosquito repellant patch, pag-i-spray ng mosquito killer at marami pang iba. Bagama’t, pansamantala itong epektib, knows ba ninyo na wa’ epek din ito kapag tumagal dahil ang mga lamok ay may kakayahang amuyin ang kanilang next target? Weh, ‘di nga?
Kapag sinabing kinagat ng lamok, hindi nangangahulugan na literal na kumagat ang lamok dahil walang ngipin ang mga ito.
Gayunman, ang long pointed mouth ng lamok o proboscis ang ginagamit nila para sumipsip ng dugo.
Ayon sa mga eksperto, mayroong dalawang tube proboscis kung saan ang unang tube ay ginagamit ng mga lamok para butasin ang balat ng tao at i-locate ang capillary o maliliit na blood vessels habang ang ikalawa naman ang sumisipsip ng dugo.
Isa rin sa mga ito ang naglalabas ng saliva o laway mula sa lamok papunta sa target area na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng pantal.
Dagdag pa rito, ang mga babaeng lamok lang ang gumagawa nito dahil kailangan nila ng protein na nakukuha sa dugo ng tao na nakatutulong sa development ng kanilang itlog.
Gayundin, kayang uminom ng mga ito ng dugo na tatlong beses na mabigat sa kanilang timbang pero, kailangan umano ng 1.2 milyong lamok para maubos ang dugo ng tao.
Mayroon umanong “super power” ang mga ito dahil kaya nilang amuyin ang hininga ng tao. Paano?
Sinasabing mayroong receptor ang mga lamok na kayang amuyin ang hininga ng tao kahit nasa 100 feet ang layo nito.
Ito ay dahil ang hininga ay naglalabas umano ng carbon dioxide na sinusundan ng mga lamok hanggang sa mahanap nila ang source.
Kaya rin nilang amuyin ang pawis ng tao kung saan malaki ang role ng pawis sa pagpili ng mga lamok ng kanilang ‘next victim’.
Sey ng experts, ang ilang chemical odor mula sa katawan ay parang ‘dinner’ ng mga lamok dahil sa amoy nito.
Naku, mga besh, dehins pala sapat ang pagpapanatiling malinis ng paligid dahil tayo mismo ang naaamoy nila.
Dahil dito, bukod sa ating paligid, make sure na magiging malinis at mabango din ang ating katawan.
Copy?