Umatras na si dating National Youth Commissioner Ronald Cardema sa kanyang nominasyon bilang kinatawan ng Duterte Youth Partylist.
Sa kanyang notice of withdrawal na isinumite sa Comelec, ipinarating ni Cardema ang kanyang intensiyon na umatras na bilang first nominee ng Duterte Youth Partylist.
Ang dokumento hinggil rito ay inilabas ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa kanyang official twitter account.
Sa nasabing notice, sinabi ni Cardema na bagama’t, ibinoto sila ng higit sa 350,000 ng mga Pilipino noong nakalipas na May 13 midterm polls, ay hindi pa rin sila naipoproklama sa Kamara.
Ito ay dahil umano sa harassment sa kanya ni Guanzon.
Sinabi ni Cardema na bagama’t, umaasa silang papanig sa kanilang Motion for Reconsideration ang Comelec en banc at poprotektahan aniya sila mula sa harassment ng inaakusahang commissioner, mas minabuti na niyang mag-withdraw sa kanyang nominasyon at isakripisyo ang sarili para sa kanilang partido.
Nauna nang kinuwestiyon ng iba’t ibang grupo ang legalidad ng pagiging 1st nominee ni Cardema ng Duterte Youth Partylist dahil sa kanyang edad na 34.