
ISANG araw na lang aayusin ang business permit sa Manila City Hall umpisa bukas, July 22.
Ito ay makaraang lagdaan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang Executive Order na bubuo sa isang ‘one-stop shop’ sa business permit upang mapadali ang pagkuha at pagsasaayos ng mga permit sa negosyo.
Batay sa Executive Order No. 8, nilikha ang “Business One Stop Shop” o BOSS para umiksi ang pagpoproseso ng dokumento.
Matatandaang, noong nakaraang administrasyon, inaabot ng walong araw hanggang isang buwan dahil sa 11 steps.
Gagawin na lamang umano itong tatlong steps kaya matatapos na sa loob ng isang araw lamang ang business permit.
Nilagdaan ang EO alinsunod sa Republic Act 11032 o kilala bilang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Kasama sa streamlining ang pag-iisyu ng local business licenses, clearances, permits, certification at authorizations, gayundin ang paggalaw ng mga dokumento sa mga departamento at tanggapan.
Ang BOSS ay isang lugar para sa Business Permits and Licensing System (BPLS) ng Local Government Unit (LGU) na tatanggap ng aplikasyon, bayad at nag-iisyu ng inaprubahang lisensiya, clearance, permit at authorizations.