BILANG chairman ng Senate Committee on Energy, ating napag-alaman na isa ang Pilipinas sa nahuhuling bansa sa Southeast Asia na walang naihahaing batas na nagmamandato at nagsusulong ng mga proyekto tungkol sa pagtitipid ng enerhiya.
Masaya tayong ibalita na sa mahigit 30 taon, ngayon ay ganap nang batas ang isa sa ating ipinanukala, ang Republic Act No. 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act.
Kasama ng ating mga kapwa mambabatas, dumaan sa butas ng karayom ang pagsasaliksik at proseso para maisabatas ito.
Natutuwa tayo dahil ito ay napirmahan na ng ating pangulo para sa agarang pagtugon sa dumaraming pagsubok at pangangailangan ng sektor ng enerhiya sa ating bansa.
Sa pamamagitan ng nasabing batas, magkakaroon ang gobyerno ng mga programa para sa tiyak na pagbabawas ng buwan-buwang konsumo ng elektrisidad at mga produktong petrolyo.
Lubos natin itong mapakikinabangan kung magtutulungan ang bawat isa na maging parte sa lahat ng posibleng pamamaraan ng pagtitipid na ating sisimulan sa ating mga tahanan, negosyo, opisina, lalo na sa mga paaralan.
Nakasaad sa batas na kailangang palaganapin sa mga paaralan ang pagtuturo at pagsasanay sa mga mag-aaral na magtipid at pahalagahan ang ating enerhiya.
Rito, inaatasan ang Commission on Higher Education (CHED) na isama sa kurikulum ng mga college student ang energy management sa lahat ng state universities at colleges at iba pang higher education institutions.
Habang ituturo naman ito sa K to 12 career advocacy program sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Naniniwala tayong habang bata pa ay may malaki na silang kontribusyon sa pagtitipid basta maituro lamang nang maigi at makita rin nila itong ginagawa ng mga nakatatanda.
Isang simpleng halimbawa ay ang pagpatay ng hindi ginagamit na ilaw o anumang nakasaksak na appliances.
Sa mga high school at college student naman ay dapat maipaliwanag ang mga makabago at praktikal na solusyon tulad ng paggamit ng LED lights o pagbalanse ng paggamit ng aircon at electric fan.
Tulad ng nakasanayang ginagawa ng ibang bansa, hinihikayat din sa atin na maging aktibo ang mga mag-aaral sa pag-iisip ng mga solusyon o paraan upang makamura at makatipid sa pagkonsumo ng kuryente.
Naniniwala tayong malayo ang ating mararating sa pagpapalaganap ng pagtitipid ng enerhiya sa buong bansa basta tayo ay sama-sama.
Hangad nating maimplementa nang maayos, matagumpay at tama ang mga plano at programang ito upang makamit ang sapat at regular na suplay ng kuryente, murang singil nito at maibsan ang pagtaas ng halaga ng mga inaangkat na krudo.
Kung ito ay ituturo mula elementarya hanggang kolehiyo, inaasahang hindi lamang ito mamamalagi sa isipan ng kabataan ngunit, pananatilihin pa ang responsableng aplikasyon nito sa pang-araw-araw nilang buhay.
Gagawin nila, hindi lamang dahil ito ay mandato kundi dahil mayroon silang personal na malasakit at pakialam sa kalikasan at ekonomiya.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com