top of page
Search
  • BULGAR

Pagsaludo sa lahat ng mga manggagawa!


NGAYONG Araw ng mga Manggagawa, ating bigyang-pansin ang mga kababayan nating nagdodoble-kayod, matugunan lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sa kabila ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi ramdam ng karamihan ang taas-suweldo sa National Capital Region (NCR) na ipinatupad noong nakaraang taon.

Matatandaang, nagkaroon ng umento na P25 ang dating P512 minimum wage na ngayon ay P537.

Gayunman, naghain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng karagdagang P710 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila kung saan mula P537, magiging P1,247 ito kung mapagbibigyan.

Ipinaliwanag ng grupo na P416 lamang ang naiuuwi ng mga mi­nimum wage earner kapag naibawas na ang government con­tribution.

Kung isasama pa ang consumer price index o pinagsama-samang halaga ng pangangailangan tulad ng pagkain, damit, pabahay at iba pa, P354 na lamang ang maiuuwi ng mga ito.

Kung susumahin, mahigit P9,000 kada buwan na lamang ang take home pay ng minimum wage earner na mas mababa sa poverty thres­hold na P10,481 na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Hindi ito madali para sa mga kumpanya, lalo na kung hindi rin sapat ang kanilang kakayahan pero, sa iba na hanggang ngayon ay nagpapakasasa sa kontraktuwalisasyon at napakababang pag­papasuweldo, mahiya naman kayo!

At sa mga manggagawa na patuloy na nilalabanan ang hirap sa pagtatrabaho, araw-araw, saludo kami sa inyo!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page