ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Nov. 16, 2024
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang 45-anyos na negosyante, may asawa at mga anak. Sa aking pagbabasa ng mga health magazines ay nabasa ko ang tungkol sa Zone 2 exercises. Makakatulong daw ito, ayon sa aking nabasa, na makaiwas sa mga chronic diseases katulad ng high blood pressure, diabetes at sakit sa puso.
Paminsan minsan ay nakakaramdam ako ng panghihina, at tumataas ang aking blood pressure at blood sugar. Ipinayo ng aking doktor na ako ay regular na mag-exercise, kumain ng katamtaman at huwag muna uminom ng maintenance medication.
Ano ba ang mga Zone 2 exercises? Makakatulong ba sa aking kalagayan ang Zone 2 exercises? Sana ay maipaliwanag ninyo ang health benefits, kung meron man, ng mga exercises na ito. -- Juan Miguel
Maraming salamat Juan Miguel sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Mabilis ang pag-inog ng mundo ng siyensya. Dahil sa dami ng mga sakit na dumadapo sa tao, ang mga dalubhasa ay patuloy na nagre-research kung ano nga ba ang dahilan ng mga ito. Partikular na pinagtutuunan nila ng pansin ay ang mga chronic diseases katulad ng hypertension, diabetes, hypertension, autoimmune diseases, cancer, at mga allergies.
May paniniwala ang ilang mga tanyag na scientists na ang kadahilanan ng mga nabanggit na chronic diseases ay ang tinatawag na “mitochondrial imbalance”. Ang mitochondria ay mga ‘powerhouses’ ng mga cells ng ating katawan. Kino-convert nila sa enerhiya ang mga glucose at fatty acids mula sa ating mga kinakain. Naniniwala ang mga scientist na kung magkaroon ng ‘imbalance’ ang mga mitochondria ng cells ng ating katawan ay magreresulta ito sa malfunctioning ng ating mga organs na magiging sari-saring sakit katulad ng pagtaas ng blood pressure (hypertension), pagtaas ng blood sugar (diabetes) at hindi mapigil na pagdami ng cells (cancer). Apektado rin ng mitochondrial imbalance ang ating immune system kaya’t humihina ang ating panlaban sa sakit (immunity) o kaya ay nagkakaroon ng malfunction ang ating mga immune cells at sariling katawan natin ang kinakalaban o sinisira ng mga ito. Tinatawag itong autoimmune diseases.
May mga paraan na nadiskubre ang mga scientist upang maibalik ang normal na functioning ng mga mitochondria. May mga paraan din para madagdagan o maparami ang mga mitochondria ng ating mga cells sa katawan.
Ang “Zone 2 exercises” o “low heart rate training” ay isa sa mga paraan upang malunasan ang mitochondrial imbalance. Ayon sa mga scientist, sa pamamagitan ng exercises na ito ay tumataas ang efficiency ng mga mitochondria na ma-process ang glucose at fatty acids upang maging enerhiya. Nagkakaroon din ng “metabolic flexibility” ang mga mitochondria upang ma-process din ang mga fatty acids (mula sa ating taba at sa pagkain) bukod sa glucose. Dumarami rin ang mitochondria ng ating mga cells dahil sa Zone 2 training.
Ano nga ba ang “Zone 2 exercises” o “low heart rate training”? Ang Zone 2 training ay ang pag-e-exercise sa mababang intensity at mas mahabang oras. Ang brisk walking, slow jogging, swimming at rowing ay mga Zone 2 exercises. Sa Zone 2 training pinapanatili ang heart rate sa 65% hanggang 75% ng iyong maximum heart rate.
Anu-ano ba ang mga health benefit ng Zone 2 training? Bukod sa mga nabanggit na magagandng epekto nito sa mitochondrial health, ayon sa mga dalubhasa, ang Zone 2 training ay nakakababa ng blood pressure, nakakababa rin ng blood sugar at nakakahaba ng buhay (longevity).
Dahil nag-i-improve ang mitochodrial flexibility dulot ng Zone 2 training, mas magagamit natin ang taba sa ating katawan, kaya’t mas nakakapayat ang Zone 2 exercises. Dahil dito, narereserba ng ating katawan ang glycogen para magamit na enerhiya sa mga higher intensity activities. Mas nagagamit din muli ng ating katawan ang lactate bilang enerhiya.
Bagama’t maraming health benefits ang Zone 2 exercises, katulad ng mga nabanggit, mas makakabuting kumonsulta sa iyong doktor kung ibig mong magsagawa ng Zone 2 training o exercise.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang iyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments