ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 20, 2024
Bagama’t isang pirma na lamang ang hinihintay ay nagdulot pa ito ng labis na pagkainip sa electric vehicle industry na itinuturing nang tagumpay ang tax breaks sa e-motorcycle sa bansa.
Aprubado na kasi ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pagpapalawak sa Executive Order No. 12, series of 2023 na ibig sabihin ay isasama na sa executive order, na nagkakaloob ng tax breaks sa EVs, ang e-motorcycles, kaya maaalis na ang taripa sa imported models.
Sa ika-16 board meeting ng NEDA kamakailan, sinabi ng ahensya na nagkasundo ang board nito na aprubahan ang rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters na palawakin ang saklaw ng EO12 hanggang 2028, na nag-aalis din ng taripa para sa e-motorcycles, e-bicycles, at nickel metal hydride accumulators.
Ang inaprubahang bersiyon ng revised EO12 ay nasa mga kamay na umano ngayon ni NEDA Chairman at President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa final approval at publication.
Nakasaad sa naka-post sa website ng ahensya ang mga katagang, “Executive Order No. 12 is designed to stimulate the electric vehicle (EV) market in the country, support the transition to emerging technologies, reduce our transport system’s reliance on fossil fuels, and reduce greenhouse gas emissions attributed to road transport,” na pahayag umano ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.
Alam naman natin na ang transportation sector ang nangungunang responsable sa pagbuga ng 35.42 million tons ng carbon dioxide noong 2022, na nag-ambag sa climate change, ayon sa datos ng Statista Research Department, kaya ang zero emissions ng e-motorcycles ay isa sa “most emphasized traits” sa ngayon.
Nakasaad din sa website ng ahensya ang, “By encouraging consumers to adopt EVs, we are promoting a cleaner, more resilient, and more environmentally friendly transportation alternative.”
Magmula nang magkabisa ang EO12 noong February 2023, hiniling na ng EV industry leaders ang pagsasama sa e-motorcycles sa ilalim ng executive issuance, kinuwestiyon ang naging layunin at iginiit ang inclusion nito sa sandaling isagawa ang pagrebyu.
Dalawa sa kanila, ang think tank Stratbase ADR Institute at ang advocacy network CitizenWatch Philippines, ang aktibong nagkakampanya para sa tax breaks sa e-motorcycles magmula noong 2023, kung saan binigyang-diin nila ang mga benepisyo sa bansa, kapaligiran, at ekonomiya sa sandaling maisama sa mga sasakyan sa bansa.
Suportado rin ng Electric Kick Scooter (EKS) of the Philippines, Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP), at ng ilang ahensya ng pamahalaan ang pag-aalis sa taripa sa e-motorcycles, na maliwanag sa kani-kanilang posisyon sa Tariff Commission matapos ang public hearing nito noong Marso.
Sa ilalim ng initial version ng EO12, tanging e-motorcycles ang pinapatawan ng 30% import tax, habang ang ibang uri ng EVs ay binawasan o inalis sa tariff rates.
Ayon sa Statista Research Department, ang motorcycles ay bumubuo sa humigit-kumulang 7.81 milyong registered vehicles sa bansa noong 2022, na siyang pinakapopular na vehicle type sa mga motorista.
Nais din ng Department of Energy (DOE) na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o karagdagang 2.4 million units, sa pag-asang makatulong ang green transportation sector na mabawasan ang 35.42 million tons ng carbon dioxide emissions ng bansa noong 2022, na nag-aambag sa climate change.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários