ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 17, 2023
Inilarawan ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Redrico Maranan na “generally peaceful” ang unang araw ng transport strike sa lungsod na isinagawa ng mga grupo ng transportasyon noong Lunes, Oktubre 16.
Sinabi ni Maranan na walang naitalang karahasan o hindi magandang pangyayari kaugnay ng transport strike.
Ayon sa hepe ng pulisya, ang bilang ng mga pulis na inilagay sa mga lugar ng protesta at ang suporta at pagsisikap ng lokal na pamahalaan ay nakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kasagsagan ng transport strike.
Naglagay din ang QCPD ng mga checkpoint upang siguruhing ligtas ang mga nagpoprotesta at mga commuters.
Naglaan din ang pulisya ng mga "Libreng Sakay" na trak para maghatid ng mga stranded na pasahero sa lungsod, lalo na ang mga mag-aaral, dahil walang city-wide suspension ng klase na ipinatupad ang pamahalaang lungsod.
Iba't ibang grupo ng transportasyon ang naglunsad ng nationwide transport strike noong Oktubre 16-17 upang iprotesta ang alegasyon ng katiwalian sa pagbibigay ng prangkisa sa mga public utility vehicle (PUV) at ang PUV Modernization program na layuning palitan ang tradisyonal na mga dyipni ng mga bago at eco-friendly na sasakyan.
“I guarantee to everyone that the entire force of QCPD is always prompt in the implementation of its public safety and security plan throughout,” pahayag ni Maranan.
Pinuri rin niya ang kanyang mga tauhan sa kanilang organisasyon at kakayahan sa pagpatrolya at pagsusuri ng kanilang mga nasasakupan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari.
Nagpasalamat din ang hepe sa pamahalaang lungsod para sa matagumpay na paglalagay ng service vehicles upang tulungan ang mga stranded na commuter sa kasagsagan ng transport strike.
Comentarios