ni Lolet Abania | November 18, 2020
Wala ni isang evacuee ang nagpositibo sa test sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ang inanunsiyo ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire matapos na magsagawa ang gobyerno ng antigen COVID-19 test sa lahat ng nagsilikas lalo na ang mga nakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Nagbigay din sa mga evacuees ng medical at mental health assistance dahil sa epekto ng sunud-sunod na bagyo habang may pandemya.
“Wala pa po sa ating mga evacuees ang nagpositibo sa COVID-19. Makakaasa po kayo na patuloy naming imo-monitor ang ating mga evacuees at sisiguraduhin natin na oobserbahan nila ang minimum health standards habang sila [ay] displaced,” sabi ni Vergeire sa isang online forum.
“Priority po natin [sa testing] 'yung may sintomas. Kung may nararamdaman po ang ating mga kababayan sa evacuation centers, puwede po kayong pumunta sa mga health and safety officers sa evacuation centers para kayo ay mabigyan ng lunas,” dagdag ng kalihim.
Bukod sa testing, nag-deploy din ang ahensiya ng Health Emergency Response Teams sa mga lugar na tinamaan ng bagyo para magsagawa ng COVID-19 surveillance, medical, sanitation at mental/psychosocial support sa mga evacuees.
“We have also provided supplementary ready to eat food as well as medicines such as ferrous sulfate and calcium carbonate,” sabi ni Vergeire.
Aniya pa, base sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) records, ang bilang ng mga nagsilikas na naitala noong November 18 ay umabot sa 55,921 pamilya o 223,378 indibidwal na nananatili sa 1,570 evacuation centers sa Regions 2, 3, 4A, 5 at National Capital Region (NCR).
Comments