ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 19, 2021
Zero casualty sa COVID-19 vaccine.
Ito ang target ng gobyerno sa oras na mag-umpisa ang pagbabakuna vs.COVID-19. Bukod pa rito, tiniyak ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na mas mag-iingat ang Pilipinas sa pagpili ng bakuna na gagamitin para sa mga senior citizens matapos maiulat ang pagkasawi 23 matanda sa Norway nang mabakunahan ng Pfizer dahil sa adverse reactions.
Dagdag pa ng opisyal, kabilang sa mga tungkulin ng vaccine experts ng task group ay suriin ang mga bakuna na ginagamit ng iba’t ibang bansa kabilang ang history nito upang mas makapili ng pinakamabuting bakuna.
Matapos malaman ang ulat, agad na nakipag-ugnayan si Galvez kay Health secretary Francisco Duque III at nagkasundo sila na ang mga edad 18 hanggang 59 muna ang isasailalim sa vaccination program habang maghahanap pa ng angkop na bakuna para sa mas matatanda.
Una nang sinabi ni Galvez na ang Pfizer ang posibleng maunang gamitin sa pagbabakuna sa bansa kontra COVID-19 dahil maagang ilalabas ang nasabing bakuna.
Bukod sa target na zero casualty, sana ay magkaroon din ng information drive tungkol sa vaccination program.
Baka kasi may plano at makakukuha nga tayo ng magbakuna, kung aayaw din naman ang publiko dahil sa kakulangan sa kaalaman at takot dahil sa insidente, sayang din ang pera.
Kaya hindi ito ang panahon para makampante tayo dahil lalo nating dapat tiyakin na ligtas ang bakunang ituturok sa ating mga kababayan. Gayundin, kailangan nating maibalik ang tiwala ng publiko na ginagawa natin ito bilang hakbang kontra COVID-19 at hindi para mapahamak sila.
Bagama’t malaking hamon ito para sa pamahalaan, kailangan natin ng karagdagang pagsisikap at pagtiyak na ligtas ang gagawing pagbabakuna para muli tayong pagkatiwalaan ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments