ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 15, 2024
Hindi pa man naipapatupad ang pangakong zero backlog ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa plate number ay nadagdagan na naman sila ng panibagong problema makaraang paslangin ang hepe ng registration office ng ahensya kamakailan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin tukoy ng pamunuan ng LTO kung sino ang nasa likuran ng pamamaslang ng isa sa kanilang opisyal at kung ano ang tunay na motibo kaya muli ay lumutang na posibleng may kinalaman ang mga transaksyon sa naturang ahensya.
Dahil sa paglipas ng mga araw at hindi pa rin nareresolba ang nasabing kaso ay bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Quezon City Police District (QCPD) para masusing mag-imbestiga sa nangyaring pananambang sa naturang opisyal ng LTO noong nakaraang linggo.
Ito ay para mabatid nila kung sinu-sino ang may kinalaman at motibo ng pagtumba kay Mercedita Gutierrez, hepe ng registration office ng LTO central office, habang minamaneho ang kanyang Starex van sa Kamias Road kanto ng KH St., Brgy. Piñyahan, Quezon City.
Matatandaang dalawang tama ng bala ang tumagos sa sasakyan ni Gutierrez na natagpuang wala nang buhay habang nakahandusay sa loob ng van at bumangga pa sa isang delivery truck, matapos itong pagbabarilin ng gunman sakay ng motorsiklo.
Inaalam din ng QCPD Special Task Group kung may natanggap na mga death threat si Gutierrez bago ang pamamaslang.
Grabe ang pangyayaring ito dahil napakalapit lamang ng pinangyarihan ng krimen sa Central Police District (CPD) at patunay ito na hindi na natatakot ang mga masasamang loob sa ating bansa.
Inaasahang dahil sa itinatag na task force ng Philippine National Police (PNP) ay mareresolba na ang kasong ito sa lalong madaling panahon at muli ay magbalik ang sigla sa tanggapan ng LTO.
Kailangang masakote ang mga salarin para mabigyang linaw ang naging dahilan ng pagpatay sa naturang opisyal upang hindi malagay sa alanganin ang kanyang kredibilidad na maayos namang nagtatrabaho.
Unfair sa biktima na nasawi na nga at ngayon ay nasasalang pa sa kung anu-anong ispekulasyon kung bakit siya pinaslang. Ngunit, ayon sa mga taga-LTO ay mabuti at maayos na empleyado ang namatay na opisyal.
Mabuting iharap sa media ang mga mahuhuling salarin para mabatid kung may kaugnayan sa trabaho ang pamamaslang o may iba pang motibo.
Kaya sa PNP Task Force — good luck sa inyo. Sana ay hindi ito maisama sa mga kasong nakatambak na lamang sa inyong tanggapan at binabahayan na ng gagamba.
Hindi lang ang mga kaanak ng biktima ang umaasa kundi ang taumbayan ay naghihintay na maresolba ang kasong ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
תגובות