ni Anthony E. Servinio @Sports | December 19, 2023
Humabol ang Boss ACE Zambales Eruption sa last two minutes upang maagaw ang panalo sa Cam Sur Express, 94-90, sa pagpapatuloy ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa Villar Coliseum sa Talon Uno, Las Pinas noong Linggo. Umarangkada rin ang defending champion Taguig Generals at pinisa ang Muntinlupa Chiefs, 107-73.
Hawak ng Express ang 89-82 bentahe subalit bumuhos ng 12 magkasunod na puntos ang Eruption tampok sina Lyndon del Rosario at Allen Fomera upang lumamang at lumayo, 94-89, at anim na segundo sa orasan. Umangat ang Zambales sa 2-1 habang bumaba sa 1-2 ang Cam Sur.
Matiyagang humabol ang Zambales mula sa pagkalugmok ng 25 puntos sa kalagitnaan ng third quarter. Sa fourth quarter lang ay nagsumite ng 15 si del Rosario at 12 kay Fomera na parehong produkto ng Lyceum of Subic Bay Sharks.
Huling tinamasa ng Chiefs ang lamang, 7-6, at bumira ng three-points si Fidel Castro na sinundan ng 12 puntos mula kay Lerry John Mayo, Dan Anthony Natividad at Noel Santos upang maging 21-7 ang iskor at hindi na lumingon ang Generals. Umabot ng 102-64 ang agwat subalit nagawang tabasan ito ng bahagya ng Muntinlupa sa huling apat na minuto.
Namuno si Best Player Mayo na may 27 puntos at 12 rebound habang nag-ambag ng 16 si Natividad. Ito ang pangalawang sunod na tagumpay ng Taguig na binuksan ang depensa ng kanilang korona sa 110-103 panalo sa Zambales noong Sabado sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan.
Sa parehong araw ay itinala ng Cam Sur ang kanilang unang panalo laban sa Circus Music Festival Makati, 113-105, sa likod ng 18 puntos ni Gab Lumberio na galing sa anim na tres. Lumubog ang Makati sa 0-2. Magbabalik ang NBL Chairman’s Cup at NBL Youth sa Enero. Ilalahad din ang mga sorpresa ng liga para sa 2024.
Comments