ni Anthony E. Servinio @Sports | December 11, 2023
Photo : NBL Pilipinas
Ipinasok ni Arnel Bico ang bola na may dalawang segundong nalalabi upang buhatin ang bagong koponang Boss ACE Zambales Eruption sa 107-105 panalo kontra Muntinlupa Chiefs sa pagpapatuloy ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup noong Biyernes sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan.
Sa isa pang laro, kinailangan ng Tatak GEL Binan ang overtime upang talunin ang Cam Sur Express, 90-87. Itinabla ng tres ni Bico ang laban, 105-105, at 35 segundo sa orasan. Matapos ang mahusay na depensa, bumalik ang bola sa Eruption pero nagmintis si Allen Fomera at napunta ang rebound kay Francis Abarcar ng Chiefs subalit biglang inagaw sa kanya ito ni Bico na agad tumira ng malapitan para sa nagpapanalong puntos.
Nagtapos si Bico na may 22 puntos bilang reserba. Hindi nasayang ang mainit na laro ni Fomera na may 35 at Lyndon del Rosario na may 14.
Matapos lumiban noong una nilang laro, balik-aksyon si John Mark Ondevilla at bumanat agad ng 34. Sumunod sina Abarcar na may 20 at Tristan Kyle Villablanca na may 18.
Bumanat ng pitong sunod na puntos ang Binan upang itayo ang 90-86 bentahe na may 30 segundo nalalabi sa overtime sa likod ng mga beteranong sina Angelo Rosale at Jeff Disquitado at rookie Ameer Nikko Aguilar. Isang free throw lang ni Alwin Margallo ang naisagot ng Express at kumapit ang Tatak GEL para sa una nilang tagumpay ng torneo.
Matapos walang puntos sa una nilang laro, uminit para sa 23 si Angelo Alanguilan habang nag-ambag ng 14 si Jazelle Oliver Cardeno. Nalimitahan sa dalawang puntos lang si Art Patrick Aquino bunga ng masamang bagsak sa first quarter.
Comments