ni VA @Sports | March 9, 2024
Pinaghalong maganda at masama ang naging resulta ng pagsisimula ng kampanya ng Filipino gymnast na si Carlos Yulo sa 2024 FIG Artistic Gymnastics World Cup Series kahapon sa Baku, Azerbaijan.
Ang magandang balita ay umusad si Yulo sa finals ng kanyang paboritong event na floor exercise habang ang 'di magandang balita ay nanganganib na mawala sa kanya ang titulo sa parallel bars.Nagbabalik sa aksiyon sa unang pagkakataon mula ng huli syang sumabak sa World Artistic Gymnastics Championships noong Oktubre, nagtala lamang si Yulo ng 14.5 points sa parallel bars qualification upang malagay sa ika-9 na puwesto.
Tumabla si Yulo kay Kazuki Matsumi, ngunit nakamit ng Hapon ang pangwalo at huling spot sa final round dahil sa mas mataas nitong execution score, 8.6-8.2.
Nanguna sa nasabing event ang Chinese na si Zou Jingyuan, ang reigning Olympic parallel bars titlist at 3-time world champion matapos magtala ng 15.766 points.
Buhat naman ang tsansa ni Yulo na magwagi ng medalya makaraang tumapos na pangatlo sa floor exercise qualification at humanay sa 8-man final.
Nagtala ang reigning two-time Asian champion sa floor exercise na si Yulo ng 14.333 points para pumuwesto kasunod nina Kazuki Minami ng Japan (14.466) at Ryu Sung-hyun ng South Korea (14.366).
Gaganapin ang floor exercise finals sa Linggo-Marso 10, araw naman ng Sabado-Marso 9 sa Baku.
Mauuna rito, nakatakdang sumalang si Yulo na nagtapos na pang-18 sa still rings sa qualification round para vault, horizontal bar, at pommel horse ngayong araw na ito.Samantala sa kababaihan, nag-qualify ang Pinay na si Levi Jung-Ruivivar sa uneven bars final matapos na pumang-6 sa qualification sa naitala nitong 13.466 points.Sina Jung-Ruivivar at Emma Malabuyo ay kumakampanya rin sa Baku para sa tangkang makasama nina Yulo at Aleah Finnegan sa Paris Olympics.
Comments