ni Gerard Peter - @Sports | December 22, 2020
Nakisalo sa unahang puwesto ng International Gymnastics Federation (FIG) world rankings ng men’s floor exercise si 2021 Tokyo Olympics-bound Filipino gymnasts Carlos “Caloy” Yulo kasunod ng dalawang medalyang natamo sa Japan tournament.
Tumabla ang 20-anyos na Leveriza, Manila-native kay Mediterranean at European Games champion Rayderley Zapta ng Spain na parehong nakamit ang 70 puntos, samantalang sumunod sa kanila si 2017 at 2019 Universiade gold medalist Kirill Prokopev ng Russia na may 64 points, gayundin sina 2-time World Championships silver medalist Artem Dolgopyat ng Israel na may 60 points at 2019 Universiade runner-up Milad Karimi ng Kazakhstan na may 52 points.
Naging malaking tulong para sa 2019 Southeast Asian Games double gold medalist ang pagkakakuha ng dalawang bronze medal sa nagdaang All-Japan Gymnastics Championships sa Takasaki Arena, upang mas lalo pang mapaghandaan ang preparasyon sa Summer Olympic Games na magbubukas simula Hulyo 23-Agosto 8, 2021 sa Tokyo, Japan.
Nitong nagdaang Setyembre, matapos ang halos anim na buwang pagpapaliban ng mga kompetisyon sa Japan dulot ng novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic, sinubukan ni Yulo na gawin ang mga sinanay na routine upang makamit ang bronze medal finish sa vault event sa 53rd All-Japan Senior Masters Gymnastics Championships, kung saan lumapag lamang sa ika-19th place ito sa paboritong floor exercise at 12th sa All-Around.
Mahigit isang taon na ang nagdaan nang mapanalunan ni Yulo ang gintong medalya sa 49th Artistic Gymnastics World Championships sa Hanns-Martin-Schleyer-Halle Arena sa Stuttgart, Germany mula sa floor exercise para maging susi nito patungong Tokyo Games. Isa si Yulo sa apat na Pinoy na nakakuha ng ticket patungong quadrennial meet kasama si pole vaulter Ernest “EJ” Obiena at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.
Samantala, inuulat sa isang report na hindi makakapagdiwang ng kapaskuhan at bagong taon ang Filipino gymnasts kasama ang pamilya upang mas pagtuunan pa ng pansin ang pagsasanay at paghahanda nito sa Japan kasama ang kanyang coach na si Munehiro Kugiyama.
Comments