ni VA @Sports | August 17, 2024
Sa kabila ng kanyang pagwawagi ng 2 Olympic gold medals na naging dahilan sa pagbuhos sa kanya ng napakarami at naglalakihang mga biyaya, hindi pa rin kuntento ang gymnast na si Carlos Yulo.
Nais ni Yulo na madagdagan pa ang mga events na puwede at gusto niyang magwagi ng gold medals sa susunod na 2028 Los Angeles Olympics.
Ngayon pa lamang ay buo na sa isipan ng 24- anyos na Olympics champion na magwagi rin sa men’s individual at men’s team all-around events na pinagharian ng Japanese gymnast na si individual all-around gold medal winner na si Shinnosuke Oka.
“Tatargetin ko yung individual all-around medal at kung masusunod ang plano pati yung team all-around at sana pati parallel bars makapag-final," ani Yulo sa isang panayam sa TV dalawang araw pagkauwi ng bansa mula Paris. “Isa sa mga pangarap ko na manalo rin ang mga teammates ko ng medal sa Olympics. Ipinagdarasal ko yun."
Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion may posibilidad na magbuo sila ng “Dream Team” na isasabak sa LA Games kung saan makakasama ni Yulo ang nakababatang kapatid na si Eldrew, Miguel Besana at ang Filipino-British na si Jake Jarman, ang nagwagi ng bronze medal sa floor exercise sa Paris.
Samantala, kabi-kabila naman ang mga pabuya at insentibong tinatanggap ni Yulo mula ng dumating sila ng Pilipinas. May dagdag pang P20-M pa mula sa gobyerno gaya ng isinasaad ng Republic Act 10699 at P14-M mula sa Kongreso.
May P6-M bahay at lupa sa Nasugbu, Batangas at P150,000 Mabuhay Miles taun-taon at panghabang buhay mula sa Philippine Airlines bukod pa ang libreng 28 domestic at international flights galing naman sa Cebu Pacific.
Bibigyan din si Yulo ng Sports betting app na Arena Plus ng P5 milyon at gayundin magbibigay si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ng P5-M kung magkakabati ang kanilang pamilya. Pero para kay Yulo ang pinakamahalaga sa lahat ng kanyang mga natanggap ay walang iba kundi ang dalawang gintong medalya na napanalunan niya sa Paris Games.
Comments