ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 26, 2020
Tiyak na ang pag-angat ni Fil-Japanese Yuka Saso sa Tokyo Olympics Golf rankings matapos niyang bulabugin ang malupit na Japan Ladies Professional Golf Association Tour sa nakalipas na mga linggo.
Mula sa kasalukuyang pag-upo sa pang-46 na posisyon, maaring sumampa sa top 35 ang dalagang nangulekta rin ng dalawang gintong medalya sa huling Asian Games sa Indonesia.
Animnapu lang ang papayagang lumahok sa Tokyo Olympics golf tournament sa kababaihan base sa panuntunan. Paiiralin din ang polisiya ng dalawang lady golfers lang kada bansa ang puwedeng sumalang sa prestihiyosong event.
Malaking ayuda sa 20-taong-gulang na dalaga ang kanyang paghahangad na makakuha ng upuan sa Tokyo Olympics ay ang pag-alagwa niya sa NEC Karuizawa 72 Golf Tournament at ang pagkuha niya ng panglimang puwesto sa Earth Mondamine Cup sa Chiba, Japan. Sa naunang torneo, inilampaso ng tour rookie ang kompetisyon sa pamamagitan ng isang 16-under-par na 200 na iskor at ng apat na strokes na kalamangan mula sa sumegunda at pumangatlo.
At dahil dito, sumibad din siya sa Rolex Women's World Rankings.kung saan mayroon na siyang 31.71 puntos mula sa pagsabak sa 13 paligsahan. Ang kanyang 0.91 average points ay pang -113 sa buong mundo. Ito ay malaking paglundag mula sa pinakamababa niyang ranggo na pang-287 sa talaan.
Comments