ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 12, 2022
Kamakailan, pinangunahan ng isa nating komite sa Senado, ang Committee on Youth ang isang pagdinig na sa tingin natin ay napakahalaga para sa kabataan. Dalawang taon na rin ngayon na halos karamihan sa kanila ay nasa bahay lang at hindi na nakakasalamuha ng kanilang mga kaibigan o kaklase dahil sa pandemya.
Sabihin na nating hindi pa nga siguro agaran ang pagbabalik-normal ng buhay natin.
Pero dahil sa masigasig ng programa ng gobyerno sa pagbabakuna at mas epektibong gamutan ng COVID-19, nakakita tayo ng pag-asa na darating din sa lalong madaling panahon ang inaasam nating pagbabalik-normal. Kaya naman, pinili nating itaguyod sa Senado ang mga panukalang batas na magpapalakas sa mga programa ng gobyerno na magsisilbing extracurricular activities ng kabataan ngayon hanggang sa mga susunod na henerasyon.
Isa sa mga panukalang ito ang pagtatalaga sa National Competitions for Young Artists (NAMCYA) bilang Philippine National Youth Development Program in Music. Ito ay bilang pagkilala sa magandang nagawa ng NAMCYA sa pagpapaunlad at pagsusulong ng himig Pilipino bilang isang uri ng sining at ang mahusay na pagsasanay sa mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng bansa bilang musical prodigies.
Halos limang dekada na sa industriya, nagsasagawa ang NAMCYA ng taunang kompetisyon upang mapili ang pinakamagagaling na Filipino musicians mula sa hanay ng kabataan.
Sa katunayan, aabot na sa 130 accomplished musicians ang dumaan sa pagsasanay ng NAMCYA at karamihan sa kanila ay music professors na sa bansa o kaya naman ay sa ibayong dagat.
Marami rin sa kanila, nagwagi sa international competitions at nakapag-perform sa harap ng mga dayuhang manonood. Mayroon naman, naging miyembro ng mga kilalang orchestra sa buong mundo.
Banggitin lamang natin ang ilan sa kanila, tulad ni Jonathan Velasco na choral conductor at miyembro ng Philippine Madrigal Singers; Alfonso “Coke” Bolipata, isang concert violinist; Dr. Renato Lucas na sa kasalukuyan ay nagsisilbing pangulo ng NAMCYA at propesor sa UST Conservatory; at ang Loboc Children’s Choir na nagwagi sa iba’t ibang international competitions.
Sa laki ng nagagawang ito ng NAMCYA para linangin ang talento at kakayahan ng kabataang may kakaibang galing sa musika, nararapat lamang na paglaanan sila ng pondo ng gobyerno na maaari nilang magamit sa pagpapaayos ng mga pasilidad at iba pang suporta para sa organisasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments