top of page
Search
BULGAR

Yokohama F Marinos sa 2-1 panalo ng AFC Cup Rnd 2

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 9, 2023




Tatlong minuto na lang bago maitala ng Kaya FC Iloilo ang tabla ay naagaw ng bisitang Yokohama F Marinos ang 2-1 panalo sa simula ng Round 2 ng 2023-2024 AFC Champions League Martes. Ipinasok ni reserba Yan Matheus Souza ang bola sa ika-87 minuto at biglang tumahimik ang Rizal Memorial Stadium.

Kinuha ng Marinos ang pagkakataon na kulang ng isang tao ang Kaya matapos palabasin si Robert Lopez Mendy sa ika-85 matapos niyang patirin galing likod ang kanyang binabantayan. Pinanood muli ng reperi ang video bago patawan ng red card ang Kaya forward.

Nagawang pantayin sa 1-1 ng Kaya ang laban sa goal ng tubong Kanagawa, Japan Daizo Horikoshi sa ika-39. Nahanap ni Ricardo Sendra ang tumatakbong si Horikoshi na harapang isinipa ang bola kay goalkeeper Hiroki Iikura.

Nakaunang goal si Yuhi Murakami sa ika-26. Wagi din ang Marinos sa una nilang tapatan, 3-0, noong Oktubre 25 sa Nissan Stadium. Sa gitna ng pagkabigo, ipinagmamalaki pa rin ni Kaya coach Colum Curtis ang ipinakita ng koponan. Nakakahinayang lang at hindi inasahan ang red card kay Mendy.

Sa isa pang laro sa Grupo G, tinalo ng Shandong Taishan ang bisita Incheon United, 3-1. Bunga ng resulta, tabla ang Marinos at Shandong sa liderato na may 9 na puntos galing tatlong panalo at isang talo, pangatlo ang Incheon na may anim at walang puntos pa rin ang Kaya.

Susunod para sa Kaya ang pagdalaw sa Shandong sa Nobyembre 28. Tatapusin nila ang kampanya sa pagbisita ng Incheon sa Disyembre 13.


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page