top of page
Search

Ynares gym sa Antipolo at Pasig, pinagpipilian ng PBA

BULGAR

ni Gerard Peter - @Sports | June 05, 2021




Dalawang lugar na lang ang pinagpipilian ng Philippine Basketball Association (PBA) na maaaring pagganapan ng bagong season ng Philippine Cup conference.


Inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial na napipisil nilang ganapin ang panimulang komperensya ng 46th season sa Ynares Sports Center sa Antipolo City o sa Ynares Sports Arena sa Pasig City, na siyang magdedepende sa quarantine classification na ilalabas ng pamahalaan matapos ang Hunyo 15.


Malaki umano ang posibilidad na isa sa dalawang Ynares basketball gymnasiums gaganapin ang All-Filipino tourney na bubuksan sa huling linggo ng Hunyo o sa unang linggo ng Hulyo.


Ayon pa kay Marcial, nakausap na nila ang Antipolo Mayor para sa buksan ang mga laro sa Ynares Sports Center. Gayunpaman, kinakailangang maghintay muna ng susunod na klasipikasyon na ilalabas ang Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) bago gumawa ng hakbang. “We'll discuss the finer details of plans after June 15,” pahayag ni Marcial, na umaasang mas magiging maluwag ang mga quarantine protocols sa National Capital Region Plus Bubble, na kinabibilangan rin ng Cavite, Laguna Bulacan at Rizal, kung saan nakatayo ang Ynares Sports Center.


Aminado ang pamunuan ng kauna-unahang pay-for-play league sa Asya na hindi nila kinakailangan ng malaking pagdarausan ng mga laro dahil inaasahan nilang ipinagbabawal pa ang panonood ng fans sa loob ng gymnasiums, bagamat ang Ynares Sports Arena sa Pasig ay maliit ang kapasidad. “So kung kami-kami lang, pwede na ang Ynares-Pasig,” wika ni Marcial. “Ang problema lang sa Ynares-Pasig eh walang dugouts. We would need to put up tents as dressing areas for the players.”


Kung ikukumpara sa “PBA Bubble” noong isang taon sa Angeles University Foundation Gymnasium sa Pampanga at diretsong uwian sa Quest Hotel sa Clark, Freeport, Pampanga, mas magiging madali para sa mga bumubuo ng mga koponan ang close-circuit setup na uwian ng bahay kung sa isa sa dalawang Ynares gymnasium ang mapipili.

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page