ni Ambet Nabus @Let's See | August 24, 2024
“Hindi n’ya sasabihin ang ganyan at mas lalong ‘di n’ya pinakikialaman ang isyung love life ng mga anak n’ya, maliban na lang kung hingan s’ya ng payo,” ito ang reaksiyon ng mga kaibigan ni Lotlot de Leon.
May lumabas kasing balita na sinabi raw ni Lotlot na nasaksihan umano nito ang pagdadalamhati na na-experience ni Janine Gutierrez matapos itong makipaghiwalay kay Paulo Avelino at ma-involve nga ngayon kay Kim Chiu dahil kay Paulo.
Sey ng aming mga kausap na malapit sa aktres, “Walang pagdadalamhati. Una, kahit kailan ay ‘di nagsasalita si Lotlot tungkol sa buhay-pag-ibig ni Janine maliban na lang kung si Janine mismo ang nagkukuwento sa ina. Ikalawa, kahit kailan naman ay wala talagang pag-amin na naganap sa tunay na relasyon nina Paulo at Janine. At ikatlo, hindi ang tipo ni Lotlot ang nagbibigay ng opinyon sa kung anumang relasyon meron si Paulo sa ibang babae. That’s indeed fake news.”
“Paglilinaw lang po,” hirit pa ng mga kausap namin, sabay tsikang, “Ito ngang naging pag-amin ni Jericho (Rosales) sa closeness nito kay Janine sa ngayon ay nginingitian lang ni Lotlot, though ina-appreciate n’ya o ina-admire ang honesty ni Echo.”
Speaking of Paulo Avelino, number one sa Netflix ngayon ang movie niya with Kylie Verzosa na Elevator. Masasabing mas pinag-uusapan pa ito ngayon kaysa noong ipinalabas ito sa mga sinehan last April na malamlam nga ang naging box office status.
Kaya naman, may nagsasabing ‘yung movie niyang gagawin with Kim Chiu ay dapat sigurong painitin din sa streaming platform dahil ‘yung mga series nila na pumatok ay sa ganu’n din nagsimula at naging big hit.
Mukhang mas kinakagat na talaga ng mga viewers kapag sa streaming platform ipinapalabas ang pelikula kesa sa sinehan.
Mabuti na lang 'yung Un/Happy For You (UFY) ng JoshLia (Joshua Garcia at Julia Barretto), balitang umabot na sa P200 million plus mark.
Tingnan ninyo, mukhang mas pinag-uusapan at pinapansin din ng mga viewers ang TV series na Pulang Araw (PA) dahil nauna rin itong nag-stream at nag-hit sa Netflix.
Kaya nga may nagpapayo sa mga producers ng nag-hit na Lolo and The Kid (LATK) movie nina Joel Torre at Euwenn Mikael Aleta na i-release na ito sa mga theaters dahil mukhang puwede na itong mag-hit sa wider screen.
Hmmm…. Ito na kaya ang trend o depende pa rin sa taste talaga ng mga manonood?
Mas bongga na lang na ibalita talaga ang pagiging generous ni Sir MVP o Manny V. Pangilinan. After nga siyang hangaan ng marami dahil sa ginawa niyang aksiyon sa nagreklamong TV5 talent, very much in the news uli si Sir MVP.
Finally kasi ay ibinigay na niya sa mga Olympics medalists ang ipinangako niyang cash prizes. Tinanggap ni Carlos Yulo ang halagang P10 million para sa 2 gold medals nito, habang nakatanggap naman sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ng tig-P2 million dahil sa kanilang bronze medals.
Pati ang parehong coaching staff/team ng gymnastics at boxing ay pinagkalooban din ni Sir MVP ng P5 million at P2 million, respectively.
Hahangaan mo talaga ang pagiging tila lowkey lang ng bilyonaryong sports patron na mas garantisado ang aksiyon, kaysa sa iba riyang puro press release at eme-emeng pa-grandstanding at takaw-publicity sa pagsakay sa victory ng mga champions, pati na ‘yung mga sumisigaw ng ‘justice’ dahil sa mga isyung ‘sexual offense’.
Comments