top of page
Search
BULGAR

Yearender: Biado, Orcullo at Alvarez, umangkla sa 2021

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 30, 2021





Inasahan sa larong bilyar ang tatag ng pulso at tikas ng mga batikang sina “Black Tiger” Carlo Biado at “Robocop” Dennis Orcullo gayundin sa potensiyal ni “Wonderboy” Elijah Alvarez upang pakislapin ang bandila ng Pilipinas sa nakalipas na 12 buwan ng pandemya.


Nakapasok din si Johann “Bad Koi” Chua, two-time Japan Open titlist, sa podium ng World 10-Ball Championships habang napabilang sa top 10 sina Biado at Orcullo ng mabagsik na Fargo Rating. Idinagdag ni Biado, 2017 World 9-Ball Championships ruler at 2017 World Games gold medalist, ang U.S. Open 9-Ball na korona (Setyembre; Harrah’s Resort, Atlantic City, New Jersey) sa mahabang listahan ng mga napagwagiang giyera.


Sinundutan din ni Biado ang pangangaldag sa U.S. sa pamamagitan ng pagsungkit sa korona ng Abu Dhabi Open noong Nobyembre sa Powerbreak sa United Arab Emirates.


Pero ang titulo sa Amerika ay hindi malilimutan ng mga disipulo ng bilyar sa bansa dahil pagkatapos ng 27 taon ay muling nakasampa sa trono ng US Open ang isang Pinoy.


Taong 1994 pa nang nagkampeon si Efren Reyes sa prestihiyosong torneo.


Simula noon, bagamat 11 beses na may sumegundang Pinoy ay wala nang kinatawan ang Pilipinas na namayagpag dito.


Sa torneo, pumangatlo si Orcullo bukod pa sa pagkopo ng 16 na titulo sa iba’t-ibang mga paligsahan sa U.S. Nakapasok din siya sa podium sa siyam na iba pang kompetisyon. Ito ang nagtulak sa dating World 8-Ball king World Cup of Pool winner upang maging AZBilliards Moneyboard topnotcher sa pangalawang sunod na taon.


Umangat ang pangalan ni Alvarez sa bakbakang virtual na binansagang Arcadia One Pool Youth matapos niyang itumba sa finals sina Yannick Pongers ng Netherlands, Finland ace Arseni Sevastianov at ang kapwa binatilyong Pinoy na si Keane Rota.


0 comments

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page