top of page
Search
BULGAR

YEAREND: #HotNewsNg2021

ni Lolet Abania | December 30, 2021




ENERO


IKA-4 ng Enero, patay ang isang konduktora matapos na silaban ng kanyang pasahero saka sunod na sinunog ang kanyang sarili.


Enero 7, umabot sa P1-M halaga ang nawala kay Senador Sherwin Gatchalian nang ma-hack ang kanyang credit card, kung saan umorder ang suspek ng mga pagkain at inumin mula sa Food Panda.


Enero 8, umamin ang medico legal officer na si Major Michael Nick Sarmiento hinggil sa kaso ng namatay na flight attendant na si Christina Dacera noong Enero 1, na ipinaimbalsamo agad nila ang katawan nito bago pa ang autopsy.


Enero 14, pumasok na sa ‘Pinas ang UK variant o mas kilala sa tawag na Alpha variant ng COVID-19.


Enero 18, papatawan ng bitay ang sinumang nagpapakalat ng fake news, ayon sa Malacañang.


Enero 25, isang 10-anyos ang namatay dahil sa Tiktok challenge. Ang menor-de-edad ay hindi humihinga habang bini-video ang sarili.






PEBRERO


IKA-1 ng Pebrero, dahil sa hirap na sa distance learning, nagbaba ng order ang DepEd na wala munang babagsak sa mga estudyante. Sa parehong araw, pagmumultahin ng halagang P10K ang sinumang hindi naka-face mask dahil sa ibinabang mandato ng gobyerno.


Pebrero 4, tumagas ang ammonia mula sa isang iceplant na pag-aari ng pamilya ni Navotas Mayor Toby Tiangco na dahil dito ang mga residente pati ang mga alagang hayop ay nadale.


Pebrero 11, bilang solusyon sa riding-in-tandem, ipinagbawal na ang angkas.


Pebrero 14, P246-M Lotto jackpot, solong nasungkit.


Pebrero 19, dahil ayaw matulad sa Sanofi na kaso ng Dengvaxia, takot ang Pharma company na mag-supply ng vaccine sa Pilipinas.


Pebrero 20, ipinag-utos sa Meralco ng ERC ang pagbalik ng P13.9B na sobrang singil sa mga consumers.


Pebrero 24, patay ang 2-anyos na bata matapos na isaksak nito ang kutsarang hawak sa extension cord.




MARSO


IKA-1 ng Marso, sinimulan ang national vaccination campaign kontra-COVID-19 sa mga health workers. Kasunod nito ang mga senior citizens at persons with comorbidities.


Marso 8, siyam na aktibista ang namatay matapos na pumalag sa warrant ang mga ito, kung saan nakuha mula sa opisina at bahay na ni-raid ng mga awtoridad ang mga assorted firearms.


Marso 10, muling ipinatupad ang lockdown sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, pagkakaroon ng Q-Pass at curfew dahil umabot sa mahigit sa 600K ang nagpositibo sa COVID-19. Sa parehong araw, anim ang arestado matapos na mag-FB live sa crater ng Taal Volcano sa kabila na itaas ito sa Alert level 2.


Marso 17, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na magkaroon ng mga supply ng COVID-19 vaccine sa bansa na dapat nang mabakunahan ang mga mahihirap na mamamayan gaya ng mga nakatira sa iskwater.

Marso 25, limang mayor na nagpaturok kontra-COVID-19, na wala sa priority list ay mananagot, ayon sa Department of Interior and Local Government. Kaugnay nito, ang aktor na si Mark Anthony Fernandez ay nagpabakuna na ng AstraZeneca vaccine.


Marso 29, nagbigay ang gobyerno ng ayuda para sa lahat na labis na apektado ng muling pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila. Gayundin, inanunsiyo ng DOLE ang pagbigay ng P5K para sa mga nawalan ng trabaho.




ABRIL


IKA-16 ng Abril, halos umabot na sa isang milyon ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung kaya pati na ang langis ng niyog o virgin coconut oil (VCO) ay pinag-aaralan na rin ng mag eksperto na pangontra sa naturang sakit.


Abril 17, nang simulan ng gobyerno ang pagbabakuna laban sa coronavirus,


maraming indibidwal ang nagduda sa mga ibinibigay na COVID-19 vaccine, kaya nagbitaw ng matinding pananalita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ayaw na magpabakuna na aniya, mamatay na lamang ang mga ito.


Abril 24, sa hirap na nararanasan ng bawat mamamayan dahil sa pandemya tulad ng

kagutuman, marami namang mga kababayan ang handang tumulong at magbigay.

Dahil dito, sinimulan ang mga community pantry sa iba’t ibang lugar sa bansa. Subalit, isang senior citizen ang naiulat na namatay matapos ang isinagawang community pantry ng aktres na si Angel Locsin.




MAYO


IKA-4 ng Mayo, nagpabakuna na si Pangulong Rodrigo Duterte ng Sinopharm COVID-19 vaccine sa kabila na hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration.


Mayo 8, itinuturing noon na ang Ivermectin ay gamot lamang na ginagamit para sa mga hayop, subalit nang i-develop na para sa mga tao, inaprubahan naman ito ng FDA at puwede na ring ipainom sa mga pasyenteng may COVID-19.


Mayo 18, dahil sa pandemya ng COVID-19 saka lamang ginanap ang Miss Universe 2020, kung saan nabigo ang pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo na masungkit ang korona. Mayo 30, batay sa ulat ng Department of Health, naitala ang Indian-UK COVID-19 na nakapasok na sa bansa, kung saan ito ay mas delikado at mas nakahahawa na kalaunan ay tinawag na Delta variant ng COVID-19.




HUNYO


IKA-2 ng Hunyo, maraming mga pensiyonado ang nasiyahan dahil sa natanggap nilang ayuda na nagkakahalaga ng P20,000.


Hunyo 4, nag-viral nang husto ang napabalitang ‘fried towel’ matapos na isang customer ang magreklamo sa fast food chain na Jollibee dahil sa ang inorder niyang fried chicken o Chicken Joy na idineliber sa kanya ay naging pritong tuwalya, habang ipinost niya ito sa social media. Hunyo 11, matapos na lumalim ang hidwaan, inismol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Manny Pacquiao at sinabihang mag-aral aniya muna ito para maging bihasa pa sa pulitika, subalit hindi nanahimik ang senador sa halip pinalagan nito ang Pangulo.


Hunyo 24, pumanaw na ang dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, habang agad din siyang nai-cremate. Hindi naman binanggit ng mga kapatid nito na sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abellada, Viel Aquino-Dee, at Kris Aquino ang dahilan ng kanyang pagkamatay.



Hunyo 29, marahil sa sobrang pagod at posibleng gutom na rin ng isang nurse, kitang-kita sa video na nag-viral ang nangyaring kapalpakan nito sa pagbabakuna, kung saan hindi naiturok ang laman ng hiringgilya para sa isang ginang na babakunahan kontra-COVID-19.




HULYO


IKA-5 ng Hulyo, malagim ang sinapit ng mga bagong graduate na mga sundalo na sakay ng eroplano matapos na ito ay bumagsak. Patay ang 31 sa kanila habang 50 ang malubhang nasugatan.


Hulyo 13, nakamit ng kasambahay na si Bonita Baran ang hustisyang inaasam, kung saan siya ay binulag, pinlantsa ang kanyang mukha ng mga amo na sina Annaliza Marzan at asawa nito matapos na mahatulan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 77 ng 40 taong pagkakakulong.


Hulyo 18, pinalitan ni Alfonso Cusi bilang presidente si Senador Manny Pacquiao sa PDP-Laban party. Dahil dito, nagkaroon ng dalawang faction ang nasabing partido.

Hulyo 20, sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinagbawal na dumalo at virtual na lamang ang mga hindi fully vaccinated na mga mambabatas at indibidwal sa plenaryo.



Hulyo 26, nasungkit ng weighlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas para sa women’s 55-kg class sa Tokyo Olympics.








AGOSTO


IKA-4 ng Agosto, muling ipinatupad ang lockdown sa buong Metro Manila dahil sa ‘serious surge’ ng COVID-19, habang dumarami rin ang Delta variant cases na kalaunan ay umabot pa sa mahigit 22K cases ng coronavirus.


Agosto 12, isang 1-year-old ang naitala ng Department of Health (DOH) na namatay sa COVID-19, habang ng sumunod na araw, 2 beybi rin ang nasawi dahil sa nasabing sakit.

Agosto 16, nakapasok na sa Pilipinas ang Lambda variant ng COVID-19 na nag-originate sa Peru.


Agosto 27, nagsimula nang magprotesta ang mga health workers dahil sa mga naantala nilang benepisyo at mga allowance na dapat sana ay naibigay agad sa kanila. Hanggang nitong Agosto 31, sigaw ng mga health workers na kung hindi paaalisin si DOH Francisco Duque, sila na mismo ang magpapatalsik dito.


Agosto 30, matapos na ‘sipain’ si Senador Manny Pacquiao sa PDP-Laban, pinatalsik naman bilang chairman ng partido si Pangulong Rodrigo Duterte.




SETYEMBRE


IKA-2 ng Setyembre, nagbanta si Senador Manny Pacquiao na sasampahan niya ng patung-patong na kaso ang pastor na si Apollo Quiboloy.


Setyembre 14, sinabayan ng mga kilos-protesta ng iba’t ibang grupo ang unang araw ng pagbubukas ng klase sa Mendiola, Manila. Anila, hindi uubra ang face-to-face classes habang sablay naman ang online classes na ipinatutupad ng Department of Education. Samantala, inaprubahan ng Senado ang panukalang FPJ Avenue kapalit sa dating Roosevelt Avenue sa Quezon City.


Setyembre 25, dahil sa marami na ring mga Pinoy na nabakunahan kontra-COVID-19, iminungkahi ni Department of the Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño na isuot na ang mga vaccine card na parang ID.


Setyembre 29, gamit ang Shopee at Lazada, marami ang naging biktima na matapos na umorder ng mga gadgets at iba pa, ang nai-deliver sa kanilang parcels ay mga bato.

Setyembre 30, pinalawig ng Commission on Elections ang voter’s registration para mabigyan ng pagkakataon ang iba na makaboto sa susunod na eleksyon.




OKTUBRE


IKA-1 ng Oktubre, binuksan na ng Comelec para sa mga kakandidato sa 2022 elections ng paghahain nila ng kanilang certificate of candidacy at tatagal ito hanggang Oktubre 8.




Oktubre 9, naitala naman ng Comelec na mayroong 97 pangulo, 29 na VP at 176 na senador ang naghain ng kanilang COC.


Oktubre 5, iniulat na sa mga magpapabakuna kontra-COVID-19, sila ay may pagkakataon na makatanggap ng P3M bilang raffle.


Oktubre 11, maraming mga pasahero ang nagtalunan sa riles dahil nagliyab ang bagon ng MRT3. Samantala, sa parehong araw ay naiulat na nagpositibo sa test sa COVID-19 si Davao Mayor Sara Duterte.


Oktubre 12, ipinahayag ni PNP Chief Guillermo Eleazar na patung-patong ang isasampang kaso sa aktor na si Jake Cuenca matapos ang ginagawa nitong pambabastos nang takbuhan nito sakay ng kanyang mamahaling sasakyan ang mga pulis na sisita sa kanya.


Oktubre 15, binuksan na ang mga sinehan sa Metro Manila subalit bawal na magkatabi, habang pinayagan na ring lumabas ang mga indibidwal.


Oktubre 20, kahit na bawal sa Simbahan, ang mga pari ay kakandidato sa 2022 elections.


Oktubre 22, binawi ng DOLE ang naunang pahayag hinggil sa ‘no vaccine no pay’ at ipinaliwanag na naging basehan lamang nito ay ang Alert System na ipinatutupad na sa bansa. Kaugnay nito, naglabas ang Inter-Agency Task Force ng order na simula Disyembre 1, ang mga empleyado ay dapat na bakunado na, subalit kung ayaw na magpabakuna, kailangan na magpa-COVID test weekly kung saan sarili nila itong gastos.


Oktubre 28, ipapatupad na ang 10-year driver’s license bago muling i-renew ang kanilang mga lisensiya.




NOBYEMBRE


IKA-3 ng Nobyembre, nagsimula na ang nationwide na pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataan na nasa edad 12-17.


Nobyembre 6, aprub na ang face-to-face classes para sa lahat ng degree sa kolehiyo.

Nobyembre 9, nakapasok na sa Pilipinas ang Kappa variant ng COVID-19 na unang na-detect sa India.


Nobyembre 14, nabuo ang BBM-Sara tandem para sa 2022 elections.


Nobyembre 16, ang unang araw ng face-to-face classes para sa mga paaralan sa mga lalawigan ng DepEd, subalit naiulat na mayroong mga armadong pulis sa loob ng classroom. Samantala, sa parehong araw, ang mag-utol na opisyal ng Pharmally ay nahuli sa airport na tatakas umano patungong Malaysia.


Nobyembre 20, hinamon si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga kandidato na tatakbo sa eleksyon na pangalanan nito ang unang binanggit sa kanyang Talk to the People na blind item tungkol sa presidential aspirant na gumagamit ng ilegal na droga habang dapat anilang arestuhin.


Noong Nobyembre 23, ipinaliwanag naman ng Pangulo na kaya hindi hinuli ang naturang kandidato ay dahil sa yate at eroplano ito nagko-cocaine.


Nobyembre 24, nagpa-drug test naman si dating Senador Ferdinand “Bongbong/BBM” Marcos Jr. at negatibo ang resulta nito. Gayundin, naunang nagpa-test ang magka-tandem na sina Senador Ping Lacson at Senate President Vicente Sotto na negatibo rin ang naging resulta.


Nobyembre 29, sinimulan ang nationwide 3-day vaccination na tatagal hanggang Disyembre 1, habang iniutos ni Pangulong Duterte na bigyan ng pagkain mula sa McDonald’s at Jollibee ang lahat ng magpapabakuna kontra-COVID-19.


Nobyembre 28, nasolo ang P378 M Lotto jackpot ng taga-Calapan, Oriental Mindoro.


Nobyembre 30, ibinalik na ang number coding sa mga pribadong sasakyan lamang ng Metro Manila Development Authority (MMDA).




DISYEMBRE


IKA-1 ng Disyembre, hindi inirekomenda ng World Health Organization ang paggamit ng face shield sa kabila ng pangambang makapasok ang Omicron variant ng COVID-19.


Disyembre 3, pinalagan ng mga kaanak ng mga biktima ng lumubog na MV Princess of the Stars ang pag-absuwelto sa opisyal ng Sulpicio Lines na kalaunan ay naghain ng motion for reconsideration PAO hinggil dito.


Disyembre 6, nagsimula na ang face-to-face classes sa pampublikong paaralan sa Metro Manila at ayon sa DepEd, handa sila sakaling may nagka-COVID. Kasunod nito, ang mga pribadong eskuwelahan naman ang nagpatupad ng onsite classes.


Disyembre 12, ang nagaganap na krimen ay nai-post sa FB, tungkol sa dalawang anak ng principal na kinatay ng akyat-bahay umano, subalit kalaunan umamin ang suspek na pinsan ng magkapatid na biktima ang siyang may kinalaman sa pagpatay dahil sa matinding selos.


Disyembre 13, nai-transfer sa Union Bank sa isang nagngangalang Mark Nagoyo ang pera ng mga kliyente ng BDO na sinasabing na-hack ang mga accounts ng mga ito.

Disyembre 16, nakapasok na sa bansa ang Omicron variant ng COVID-19 na unang na-detect sa South Africa.


Gayundin, sa parehong araw, humagupit ang Bagyong Odette na siyam na beses naitala ng PAGASA na nag-landfall sa mga lugar sa Visayas at Mindanao. Dahil dito, daan-daan ang nasawi at nawalan ng tirahan habang ang iba ay nanatili sa mga evacuation centers.




Disyembre 27, dalawang mayor ang pinagbabaril na dumalo sa Christmas party nitong bisperas ng Pasko. Kritikal si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez na tinamaan sa ulo habang sa batok nahagip si dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte at ligtas na.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page