ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 11, 2021
Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Ox ngayong 2021.
Sa pagkakataong ito, ang pangunahing ugali at kapalaran naman ng animal sign na Tigre o Tiger ang ating pag-uusapan. Kung ikaw ay isinilang noong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998 at 2010, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Tigre o Tiger.
Sinasabing ang Tigre ay siya ring Aquarius sa Western Astrology, na nagtataglay ng ruling planet na Uranus.
Ang mga Tigre ay natural na papalarin mula alas-3:00 hanggang sa alas-5:00 ng madaling-araw, kaya mas mainam na agahan nila ang gising, manalangin, mag-ehersisyo, maligo at simulan agad ang kanilang pang-araw-araw na gawain. Sa ganitong paraan, ‘pag inunahan nila sa paggising ang Haring Araw, higit silang magiging maligaya at mas maraming biyaya at suwerte ang ibubuhos sa kanila ng langit.
Dagdag pa rito, mapalad din ang mga Tigre sa direksiyong silangan, hilagang-silangan (east at northeast) at dahil wood o kahoy ang kanilang elemento, sinasabing magiging mapalad sila sa mga pandispley na nililok o niyari mula sa mga matitibay at de-kalidad na kahoy at ito rin ang magsisilbi nilang lihim na talisman o anting-anting.
Sa Ancient Chinese Elemental Astrology, pinaniniwalaang isa sa pinakamapalad na animal sign ang Tigre kung saan bagama’t minsan ay mahirap silang intindihin at unawain, pero ayon sa paniniwala ng mga sinaunang matatandang Chinese, may tatlong pangunahing trahedya ang naitataboy ng Tigre at ito ay ang sunog, pagnanakaw at masasamang espiritu. Ibig sabihin, kapag kasama mo sa bahay ang Tigre, makakaiwas ang inyong pamilya sa sunog, magnanakaw at masasamang espiritu tulad ng multo, maligno at iba pang uri ng laman-lupa.
Bagama’t kilala sa pagiging walang ingat at padalos-dalos na pagpapasya, kasabay naman nito ang maraming hindi inaasahan at biglaang mga suwerte ang kadalasang dumarating sa isang Tigre, higit lalo kung ito ay mangyayari ngayong Year of the Metal Ox.
Sinasabi ring dahil sa pagiging likas na maawain at matulungin, ibig sabihin, may likas na mabuting puso na tinataglay ang Tigre, kaya palagi siyang pinagpapala ng langit at kabilang sa mga pagpapala na natatamo ng Tigre ay ang hindi nawawalan ng suwerte. Ibig sabihin, anumang pagsubok ang kanilang kaharapin, tiyak na iaahon sila ng langit upang ang mga pagsubok na ito ay kanilang malagpasan.
Ang ikinaganda pa nito, matapos malagpasan ng Tigre ang nasabing mga problema at pagsubok ng buhay, higit na malalaki at magagandang kapalaran ang kanilang matatanggap dahil sa sobrang laki talaga at dami ng nasabing mga biyaya mula sa langit ay halos hindi nila ito mapaniniwalaan kung paano sila sinuwerte nang bonggang-bongga at hindi naman talaga nila akalaing mangyayari ito sa kanilang buhay.
Ang malalaking suwerteng ito na hindi inaasahan na ikagugulat talaga ng Tigre ay kadasalang nagaganap at natatanggap nila habang sila ay pumapasok sa edad na 49.
Itutuloy
Comments