ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 12, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at ang magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas.
Kung ikaw ay isinilang noong 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Snake o Ahas.
Ang Ahas o Snake ay siya ring Taurus sa Western Astrology, na may ruling planet na Venus.
Sinasabing higit na makamandag at agresibo ang mga Ahas na ipinanganak sa tag-araw at tag-sibol kaysa sa kapatid niyang Ahas na tutulog-tulog na isinilang naman sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.
Likas na mapalad ang Ahas tuwing sasapit ang alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng umaga, higit lalo sa direksiyong timog at timog-silangan (south at southeast).
Kilala sa pagiging mapang-akit, tuso at may itinatagong kakaibang talino at taglay na mataas na karunungang wala sa ibang animal sign ang isang Ahas.
Bagama’t may praktikalidad at materyoso, kilala rin ang Ahas sa pagiging relihiyoso at kung hindi masasawata, magiging panatiko sa isang relihiyon o sobrang malululong sa pag-aaral at pagsasaliksik ng mga kakaibang karunungang lihim at mistisismo.
Sa kabila nito na may pagkarelihiyoso, higit din nilang binibigyang-prayoridad ang pagpapasarap ng katawan, saya at lahat ng gawaing sensuwal. Kaya naman ang Ahas ay itinuturing ding masarap kasama at magmahal dahil ini-express niya talaga nang todo ang lahat ng kasarapan at ikaliligayang pangkatawan.
Kilala ang Ahas sa pagiging masarap kumain, nangangarap ng magara at napakagandang bahay.
Mahilig din siya sa mamahalin at branded na kasuotan, nagpupundar ng magagara at mamahaling alahas. Basta lahat ng maganda, masarap, makulay at malasa, magara at kahanga-hanga at nakakahalina sa mga mata at five senses ay talaga namang kinahuhumalingan ng Ahas.
Dahil sa mga katangiang nabanggit, hindi naman binibigo ng langit ang kanilang layaw na pangkatawan dahil ang nasa itaas mismo ang nagbibigay sa kanila ng masuwerteng buhay sa larangan ng materyal na bagay upang matustusan nila ang kanilang mga gustong pagpapasarap sa buhay.
Kumbaga, likas na pinagpapala ang Ahas sa larangan ng career, negosyo at mga gawaing pagkakaperahan upang ma-satisfy nila ang kanilang mga luho at pagpapasarap sa buhay.
Dahil dito, siya ay maaaring malulong sa sugal, alak at lahat ng uri ng bisyo, na dapat iwasan upang hindi maubos ang kanilang kabuhayan at upang tuloy-tuloy na mapanuto, manatiling buo, maging matagumpay at maging maligaya ang itatayo nilang pamilya.
Dagdag pa rito, dahil matalas ang isip at likas na matalino ang Ahas, malayo pa lang ang panganib ay nasasagap at naiiwasan na nila ito, higit lalo kung halimbawang may mga taong may masamang motibo o binabalak sa kanila. Tunay ngang madali nila itong nakikilala, kaya sa anumang uri ng panganib na may kaugnayan sa panloloko, kahit na utakan at lamangan mo ang Ahas, hindi mo siya maiisahan dahil higit siyang matalino at tuso kaysa sa mga dalubhasang manloloko sa buong mundo.
Dagdag pa rito, bagama’t maraming lihim sa buhay na ayaw ikuwento sa iba, kapansin-pansin naman ang kakaibang misteryosong ganda ng Ahas. Kaya kapag pumasok na siya sa isang silid, hindi maitatangging ang lahat ng nakakita sa kanya ay lihim na humahanga at nahahalina sa taglay niyang kakaibang personalidad.
Dahil dito, ang Snake ay itinuturing ding isa sa may pinakamalakas na karisma, sex appeal o pang-akit na wala sa ibang animal signs. At dahil sa kakaibang karisma at pang-akit na ito, ang mga Ahas din ang pinagkakalooban ng langit ng masasalimuot at kakaibang pakikipagrelasyon at makukulay na pag-ibig, na kung hindi nila ito iiwasan, ang mga kakaibang relasyon ding ito ang maaaring magpahamak sa kanila.
Itutuloy
Comments