top of page
Search
BULGAR

Year of the Sheep, Maawain at matulungin kaya laging naloloko

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 18, 2023


Sa pagkakataong ito, tatalakayin naman natin ang mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Kambing o Goat, na tinatawag ding Tupa o Sheep, ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Kambing o Goat, Tupa o Sheep ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015, at 2027.


Ang Year of the Goat Kambing o Tupa ay pinaghaharian din ng impluwensya ng planetang Moon at sa Western Astrology ang Year of the Goat/Sheep ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Cancer.


Pinaniniwalaang may ilang mabigat na pagsubok na kakaharapin ang mga Kambing o Tupa na isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig, kaysa sa mga kapatid nila na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init. Subalit, anumang pagsubok ang dumating sa nasabing animal sign, basta patuloy silang naniwala sa kanilang taglay na kakayahan, walang pagsubok o suliraning hindi nila makakayang lutasin at lagpasan.


Sinasabing bukod sa taglay na kabaitan at may mahinang personalidad, sa 12 animal signs na naglakbay at nakarating sa palasyo ni Lord Buddha, ang Kambing o Tupa ang isa sa pinakamatulungin, mapagbigay, madaling maawa at may mababang kalooban.


Tahimik, tapat at mabait ang Kambing o Tupa, itinuturing din sila na madaling mapasunod at utusan, kung saan ang mga ugaling ito ay inaabuso ng mga taong mapagsamantala, lalo na ng kanilang mga nagiging kaibigan at nakakasama.


Bukod sa mabait, ang mga Tupa o Kambing ay madali ring maawa at mabagbag ang damdamin, lalo na sa mga taong mahirap ang pamumuhay at alam nilang walang-wala.


Kaya kapag hindi naging maingat at mapili sa pakikipagkaibigan, gayundin sa pakikipagsosyo sa negosyo o hindi naging maingat sa mga taong kanilang pagkakatiwalaan, malaki ang posibilidad na siya ay maloko ng kanyang mga kasama nang hindi lang basta-bastang halaga kundi malaking halaga ng pera.


Kaya ngayong Year of the Water Rabbit, walang dapat gawin ang isang Tupa o Kambing kundi ang maging mapagmatyag at bago sumuong sa isang transaksyon, siguraduhin muna nila ang katapatan ng mga taong kanilang kausap upang hindi sila maloko o maisahan ng mga taong mapagsamantala.


At dahil mabait at maawain ang Tupa, sobrang emosyonal o maramdamin, at madaling naiimpluwensyahan ng mga taong kanilang nakakasama, lalo na ng mga taong miyembro ng kanilang pamilya.


Ibig sabihin, madaling mauto at mabola ang mga Tupa o Kambing at maawain sila sa kanilang pamilya. Kaya kadalasan, nagiging biktima rin sila ng maling suhestyon o mungkahi na maaaring ikalugi o ikabagsak ng kanilang kabuhayan o hanapbuhay.


Dagdag pa rito, sinasabi rin na ang Tupa o Kambing ay may mahinang personalidad, kaya kapag sinabihan sila ng mga linyang, “Wala kang kuwentang tao,” “Mahina ang iyong personalidad at sunud-sunuran ka lang sa asawa o sa taong umiimpluwensya sa iyo,” at “Wala kang sariling desposisyon sa buhay,” malamang na paniniwalaan niya agad ito.


Kaya kapag ikaw ay may karelasyon o asawa na isinilang sa animal sign na Kambing o Tupa, huwag mo siyang pagsasabihan ng mga negatibong salita na ikasisira ng kanyang diskarte at pagkatao. Ito ay dahil kung ano ang sabihin o ibintang mo sa kanya, malamang na paniniwalaan ka niya. Ang mga Tupa o Kambing ay madaling maimpluwensyahan at mapaniwala sa mga sinasabi sa kanya ng ibang tao, lalo na ang malalapit sa kanya.


Samantala, kung ikaw ay may karelasyon o asawa na Tupa o Kambing, dapat mong paulit-ulit na sabihin ang mga positibo niyang katangian. Gayundin, palagi mo siyang purihin at bigyan ng positive reinforcement dahil sa ganu’ng paraan, paniniwalaan niya ito, kaya sigurado na kung ano ang sabihin mo sa kanya.


Halimbawa, sinabi mo sa kanya na, “Magtatagaumpay ka, uunlad at magiging maligaya habambuhay,” paniniwalaan niya ito at siguradong sa bandang huli, kung ano ang sinabi at dinikta mo sa kanya, ‘yun ang kanyang paniniwalaan at mangyayari sa kanya, hindi lamang sa kanyang buhay kundi maging sa kanyang kapalaran.

Itutuloy


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page