ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | July 14, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong 2020, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Sheep o Tupa ngayong Year of the Metal Rat kung saan ang Sheep o Tupa ay tinatawag ding Goat o Kambing.
Kung ikaw ay isinilang noong 1919, 1931, 1943,1955, 1967, 1979, 1991, 2003 at 2015, ikaw ay mapabibilang sa may animal sign na Sheep o Goat.
Ang Sheep, Goat o Ram ay ika-8 sa 12 animal signs ng Chinese Astrology kung saan siya rin ang zodiac sign na Cancer sa Western Astrology, na may kaakibat na planetang Moon.
Ang kanyang mapalad na oras ay mula ala-1:00 hanggang sa alas-3:00 ng hapon sa direksiyong south-southwest o timog-timog kanluran.
Dahil nagtataglay ng planetang Moon o Buwan, kilala ang Kambing o Tupa sa pagiging matulungin, lalo na sa kanyang mga kamag-anak at kapamilya. Sila rin ay ang tinatawag na “good samaritan” kung saan may mga pagkakataong kahit hindi nila gaanong kakilala ay tinutulungan talaga nila. Dahil dito, bihira sa mga Sheep ang yumayaman dahil wala sa bokabularyo nila ang maging madamot. Kaya kung makakakita ka ng Tupa o Kambing na napakayaman, siguradong siya ay may pagka-kuripot o sobrang sinop sa buhay.
Tama, sinasabing yayaman lamang ang Tupa kung habang namimigay at tumutulong sa kanyang kapwa ay matututunan niya rin ang pagsisinop at pagmamahal sa kabuhayan na tinatamasa niya sa kasalukuyan.
Kapag nakakita ka ng hayop na napakabait, concern sa kapwa at mapagmahal sa kanyang pamilya, tiyak na ang hayop na ito ay walang iba kundi ang maamo at mabait na Tupa.
Bagama’t likas na mabait at matulungin, taglay din ng Tupa ang pagiging maramdamin at matampuhin kung saan ayaw na ayaw niyang minamaliit siya at pinipintasan sa kanyang mga ginawa at maging sa kanyang hitsura. Kapag pinintasan mo ang Tupa o sabihin na lang nating pinuna mo ang kanyang mga ginagawa, malamang na lantad man o lihim, tiyak na magtatampo at magagalit siya sa iyo. Dahil para sa isang Tupa na sobrang maramdamin, ang pagkikritiko mo sa kanya ay iniinda at dinadamdam niya dahil ang isa pa sa kahinaan ng Tupa o Kambing ay ang ugali niya na madaling maniwala sa mga opinyon o sinasabi ng iba kahit hindi ito totoo.
Kaya sa mundo ng maninila, utakan at lamangan, ang Tupa o Kambing ang madalas na naloloko at napaglalangan ng kanyang kapwa.
Gayunman, dahil sa pagiging sensitive, maramdamin at madalas maloko ng kapwa, karamihan sa mga Tupa ay nagiging mapag-isa, malungkutin at minsan ay pinipili nila na kaunti na lang ang mga kaibigan at piling-pili ang mapagkakatiwalaan.
Talagang mapalad at pinagpala ang Tupa na makakatagpo ng tapat at mabuting kaibigan, ganundin ang tapat at mabuting asawa na sa pag-iisa at sa mga suliranin ay dadamayan siya.
Sa bagay ito rin naman, mga tapat at mabubuting kaibigan ang sadyang ipinagkakaloob sa kanila ng langit upang sila ay magkaroon ng maunlad, matagumpay at maligayang pamumuhay.
Itutuloy
Comentários