top of page
Search
BULGAR

Year of the Rooster, maaasahan sa lahat ng problema, pero ‘di kayang lutasin ang sariling isyu

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 21, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay mga katangian at magiging kapalaran ng animal sa sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.


Ang isa pang nakakatuwa sa buhay ng Tandang, kahit siya ay bigung-bigo o sabihing siya ay laos, hindi niya ito paniniwalaan. ‘Yan ay dahil tulad ng nasabi na, kahit siya ay ilagay pa sa sobrang baba na kalagayan, iisipin pa rin ng Tandang na siya ay nasa ibabaw ng bundok o mataas pa rin ang tingin sa kanyang sarili na may pagka-angas at malutong pa rin ang kanyang pagaspas at tilaok.


Dagdag pa rito, isinilang ang Tandang upang ayusin ang lahat ng bagay. Kaya kapag may problema sa opisina o pagtatalo sa grupo na kanyang kinabibilangan, walang duda na isang tao lamang ang may kakayahang mag-ayos ng gulo, at walang iba kundi ang Tandang. Tunay ngang isa sa natatagong galing ng Tandang ang pag-ayusin ang lahat ng gulo sa mabilis na paraan.


Dahil magaling siyang mag-ayos at mag-manage, puwede siyang maging supervisor o manager. Madali niyang nagagawang pakilusin at pagalingin ang mga tao na kanyang nasasakupan, at ‘yun naman ang nangyayari. Halimbawa, ikaw ay may boss o teacher na Tandang, siguradong ikaw ay magiging mahusay na empleyado at estudyante.


Ang problema lamang, kahit magawa ng Tandang na mapahusay ang kanyang mga tinuturuan, sa isip-isip nito, “Parang marami pang kulang ang ginawa kong pagtuturo sa empleyado o estudyante kong ito,” kaya sa kabila ng kanyang hindi mapakaling isipan, palagi pa ring may lungkot at kulang sa mga diskarte at pagsisikap sa buhay. Kaya minsan, siya ay tinatawag ding “pesimistang Tandang” na laging nakatingin sa pangit na anyo ng buhay.


Bukod sa inaakala ng Tandang na siya ay matalino –na minsan ay totoo naman, pero kadalasan ay hindi – ang Tandang na sobrang perpeksyunista, ayaw na ayaw makakita ng mga bagay na mali at kapintasan. Sabagay, galit siya sa pangit at sa mga bagay na hindi nakaayos, kaya siya ay isang dakilang pintasero.


Sa kabila nito, ang nakakatuwa, palagi siyang may solusyon sa hindi magagandang bagay.


Madalas, masaya siyang nag-iisip kung paano itatama ang mga mali na nakikita niya at kung paano papagandahin ang mga bagay na may kapintasan. Ito ang isa sa nagpapasaya sa buhay ng Tandang– ang mag-isip nang mag-isip at mag-analisa ng kung anu-anong bagay sa silong ng langit. Inaakala ng Tandang na siya ay tunay na matalino dahil sa ugali niyang palaisip at mahilig mag-analisa.


Samantala, kadalasan ay tama naman ang naiisip niyang solusyon sa mga pangyayari.


Ang problema lang sa Tandang ay hindi niya agad naipatutupad ang solusyon o mga binabalak sa buhay dahil ayaw niyang kumilos nang may kulang o hindi pa masyadong perpekto ang isang proyekto.


Kaya ito ang pangunahing dahilan kaya nabibigo, hindi umuunlad at minsan ay hindi rin siya ganap na nagiging maligaya. At tulad ng nasabi na, dahil sa kakaisip niya at sa pagiging perpeksyunista, ipapatupad na lang ang isang bagay na tiyak namang ikauunlad niya, ngunit hindi niya ito magawa nang mabilis.


Dahil sa kakuparan ng Tandang na mag-execute ng mga plano niya sa buhay o solusyon sa isang problema, matagal bago niya mapitas ang napakalaking tagumpay na matagal nang inilaan sa kanyang kapalaran.

Itutuloy


留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page