ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 20, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1923, 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Pig o Baboy.
Ang Pig ay panghuli sa 12 animal signs sa Chinese Astrology kung saan siya rin ang zodiac sign na Scorpio sa Western Astrology na may kaakibat na planetang Mars.
Ang mapalad na oras para sa Baboy ay mula alas-9:00 hanggang sa alas-11:00 ng gabi, sa mapalad na direksiyong north (hilaga) at north-west (hilagang-kanluran).
Sinasabing higit na nagiging marahas at sobrang mahilig sa sarap at layaw ng katawan ang mga Baboy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kaysa sa mga baboy na isinilang sa panahon ng taglamig o tag-ulan.
Kilala sa pagiging easygoing, masiyahin, masarap ang buhay ang Baboy. Dahil dito, siya ay itinuturing ding isa sa pinakamasarap at pinakamasayang kasama dahil tiyak na aayain ka niya sa gawaing masarap at maligaya.
Dahil ang pangunahing hangad niya ay sarap at ligaya, madalas ay natatagpuan din ng Baboy ang hinahanap niya – masarap na karanasan, hihila-hilata at hayahay na buhay, na kahit lumipas ang buong maghapon ay tila wala siyang problema sa buhay o alalahaning iniinda.
Gayunman, kung hindi matututunan ng Baboy na mag-ipon o mag-invest para sa future, bagama’t magiging masaya, panatag at kampante ang buhay niya ngayon, kinabukasan ay may babala namang maghihikahos, maghihirap at masasadlak siya sa kaawa-awang kalagayan.
Kung mayaman at masikap sa buhay ang mapapangasawa ng isang Baboy at tinuruan siyang magtipid at mag-ipon para sa future, wala nang pinakasasarap pang buhay kundi ang buhay ng Baboy, na nagawang mag-invest at magtabi ng kabuhayan ngayon upang magamit niyang pampasarap ng buhay sa future, lalo na sa panahon ng kanyang pagtanda.
Dagdag pa rito, bukod sa pagiging galante at matulungin, kilala rin ang Baboy sa pagiging mahilig sa lipunan at magmayabang. Kadalasan pa nga, nag-iipon ang isang Baboy ng kabuhayan o maraming pera, hindi para sa future kundi para ipagmayabang sa mga kakilala at kaibigan niya. Dahil dito, kung hindi magiging masinop, madaling nauubos ang kabuhayan ng isang Baboy sa pakikisalamuha sa kaibigan, hanggang matagpuan na lang niya ang kanyang sarili na wala nang laman ang kanyang bulsa.
Samantala, ang ugali namang ito ng Baboy ang hinahangaan ng kanyang mga kaibigan, kaya ang pamomolitika ay kusang dumarating sa buhay niya. Nagiging leader siya ng malalaking pangkat at grupo hanggang sa bandang huli ay siya na ang “Big Boss” ng samahan at maaabot niya ang pinakamataas na posisyon.
Ang problema, kapag nasa napakataas nang posisyon ang Baboy, marami naman ang naiinggit at hindi nasisiyahan sa istilo ng kanyang pamamahala, kaya ang kadalasang nangyayari ay pinipilit ibagsak at siraan ang Baboy, na nagiging daan upang hindi magtagal ang pamumuno niya sa anumang napakataas na posisyon. At dahil ayaw na ayaw ng Baboy na namumroblema at talaga namang pagpapasarap sa buhay ang hangad niya, kapag na-pressure ay madaling nagre-resign at umaayaw na sa panunungkulan ang Baboy.
Itutuloy
תגובות