ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 4, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.
Kung ikaw ay isinilang noong 1920, 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa Animal Sign na Monkey o Unggoy.
Sinasabing bagama’t mapagpatawa, masayahin at kumikero, ang problema sa isang Unggoy, minsan ay hindi niya gaanong sineseryoso ang buhay at pangyayari, kaya kadalasang matatagpuan sila na bahagyang uunlad ang buhay pero mawawala rin.
Kumbaga, magkakaroon siya ng karangalan, pero ito ay pababayaan niya lamang kaya hindi mananatili ng mahabang panahon. Kung matutunan ng Unggoy na magseryoso at magmahal sa mga bagay na nasa sa kanya na, magiging malayo talaga ang mararating ng niya—yayaman siya at tiyak na magtataglay ng dambuhala at malalaking karangalan.
Dahil laging aktibo, hindi lamang ang pag-iisip kundi pati ang buong pagkatao, hindi pupuwede sa isang Unggoy ang walang ginagawa, iniisip o pinagkakaabalahan, kaya naman hindi siya nakikisama o sadyang nilalayuan niya ang mga tao at sitwasyong “boring” at “kill-joy” sa makulay at masayahin niyang buhay.
Dagdag pa rito, imposibleng tumagal ang Unggoy na makisama sa taong tahimik.
Gayundin, hindi puwede sa kanya ang gawaing nag-iisa o walang ginagawa sa tahimik at walang katao-taong lugar dahil para sa Unggoy, ang buhay ay ginawa para i-celebrate at ipagdiwang.
Dahil bukod sa pagiging masayahin at punumpuno ng tiwala sa kanyang sarili, bihira kang makakakita ng Unggoy na nag-iisa, bigo sa buhay at malungkutin. Dahil ito ang mga sitwasyong sadyang sobrang kinaiinisan ng Unggoy, mapadpad man siya sa ganu’ng sitwasyon, tiyak na aalis siya agad doon.
Kadalasan, dahil may tiwala sa sarili at alam niyang isinilang ang tao upang magdiwang, bukod sa hindi siya pumapayag na hindi mangyari ang kanyang gusto, hindi rin siya papayag kapag nakakakita siya ng malungkot at nag-iisa sa kanyang mga tauhan, pamilya, kaibigan at kasama dahil para sa kanya, dapat lahat ay masaya. Ang kanyang tunay na pilosopiya ay isinilang tayo upang ipagdiwang ang maikling buhay at karanasan natin sa mundong ito.
Minsan, taglay din ng Unggoy ang pagiging tuso at matalino, kaya sakaling may parte man ng “napulot na saging sa gilid ng dagat” si Matsing at Pagong, tulad ng nasabing kuwentong pambata, tiyak na hindi papayag si Matsing na malamangan ni Pagong.
Ang problema nga lamang, dahil hindi naman laging pumapabor kay Unggoy ang kapalaran, dahil sa pagiging tuso, ginagantihan siya ng mga nakatutuwang pangyayri ng tadhana. Pero dahil halos balewala sa kanya ang mga bagay-bagay, sa halip ay alam niyang isinilang ang tao para maging masaya, sa mga kabiguang nangyayari sa kanyang buhay at dinadanas ng Unggoy, madali siyang nakaka-recover dahil hindi naman talaga niya gaanong iniinda ang anumang negatibong pangyayari sa kanyang buhay.
Itutuloy
Comments