top of page
Search
BULGAR

Year of the Monkey, ‘di puwedeng lamangan dahil gaganti ng doble

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | May 18, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016 at 2028, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Unggoy.


Sinasabing kilala rin ang Unggoy na sobrang nagmamadali dahil gusto niyang gastusin agad ang mga araw ng kanyang buhay sa pagsasaya at pagnanais na makita agad ang resulta ng anumang proyekto o aktibidad na nais niyang gawin. Dahil dito, kadalasan ay napagbibintangan siyang reckless o walang ingat, na nagiging dahilan kaya hindi niya gaanong nape-perfect o napapaganda nang lubusan ang bawat proyekto o gawain na inaatang sa kanyang balikat. Kumbaga, bagama’t madali niyang natatapos, hindi naman gaanong kagandahan o kulang sa pulido at kislap ang kanyang mga likha. Sinasabing kung pagtutuunan ng Unggoy ng kaunti pang konsentrasyon at pagsisinop ang anumang gawaing iaatang sa kanya, makabubuo siya ng isang mabilis pero dakilang likhang sining na magbibigay sa kanya ng dagdag pang pagkilala at karangalan.


Dagdag pa rito, bukod sa pagiging praktikal at matalino, malawak din ang pang-unawa ng isang Unggoy, kaya anumang problema ang idudulog mo sa kanya, tiyak na tutulungan ka niya agad. Ang problema lang, dahil madalas na nagmamadali at nais niyang solusyunan agad ang suliranin sa praktikal na paraan, malabo kang makita ng matiyagang Unggoy na nakikinig o nakikisimpatya sa inyong suliranin. Sa halip, ang mas nais ipagawa at ipayo sa iyo ng isang Unggoy ay ‘wag kang magmukmok sa isang sulok at umarte, tumindig ka at solusyunan mo na agad ang iyong problema. Wala kasing tiyaga ang isang unggoy na makinig ng mga maramdaming kuwento o pagbibida. Dahil kapag ganu’n na ang usapan, madaling naiinis ang Unggoy at tiyak na bagama’t hindi nagpapahalata ay unti-unti ka na lang niyang tatakasan at lalayuan upang hindi siya masangkot sa iyong drama sa buhay.


Kaya tulad ng nasabi na, kung may kaibigan kang Unggoy at nilapitan mo siya, sosolusyunan niya ang iyong problema sa isang idlap, pero ‘wag mo na siyang dramahan o unti-untiin pa para tulungan ka niya. Dahil para sa Unggoy, ang anumang suliranin ay dapat solusyunan agad nang masaya at wala nang kadramahan pa.


Sinasabi ring ang ayaw na ayaw ng Unggoy na lokohin at paglalangan siya. Dahil likas na mautak, matalino at praktikal, kumbaga, ang ugali niya ay ayaw niyang makikita sa mga taong nakakasalamuha niya — lalo na ‘yung pantutuso o panggugulang— dahil likas na tuso, magulang at wais ang isang Unggoy, ayaw niyang magugulangan at maiisahan siya, lalo na ng kanyang mga kaibigan, kasama sa bahay at maging kasosyo niya sa negosyo.


Kaya anumang uri ng pakikipagtransaksiyon, ‘wag mong susubukang lamangan o isahan ang isang Unggoy. Kapag ginawa mo ito sa kanya at nahalata niyang sinadya mo siyang lamangan o lokohin, gagantihan at pagpaplanuhan ka ng Unggoy, kung saan ikaw naman ang susunod niyang lalamangan at iisahan. At magugulat ka, mas malaki o doble ang ilalamang at dadayain sa iyo ng isang mautak at sobrang tuso na Unggoy.

Itutuloy

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page