top of page
Search
BULGAR

Year of the Dragon, lalong susuwertehin ‘pag sumali sa mga grupong nakakatulong sa mga kapus-palad

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 05, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong 2022.


Kung ikaw ay isinilang noong 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign Dragon.


Sinasabing bihira sa mga Dragon ang hindi masuwerte dahil anumang kapalaran ang sapitin nila, palagi silang pinoproteksiyunan ng langit at tila nabubuhay sila sa isang mala-mahikang daigdig.


Ito ay nangyari dahil likas silang matulungin at mapagbigay at ito marahil ang dahilan kaya maraming magagandang kapalaran ang ipinagkakaloob sa kanila ng langit kahit hindi nila ito hinihingi.


Ngunit minsan, ang problema sa Dragon, kapag siya ay pinanghinaan na ng loob at may lihim na takot o kabog ng dibdib, nakakalimutan niyang siya ay isang mystical creature, na may napakalakas na kapangyarihan, pangangatawan, may matikas na pakpak at may kakayahang bumuga ng apoy sa ilong. Ito ang dapat ikintal sa isipan ng Dragon upang hindi siya panghihinaan ng loob, sa halip, anuman ang mangyari, dapat siyang magpatuloy at lumaban. Dahil sa pamamagitan ng tapang at tatag ng kalooban, mananaig at higit na magtatagumpay at mas magiging maligaya ang Dragon habang siya ay nabubuhay.


Ang problema, sinasabing kaya minsan ay pinanghihinaan ng loob ang Dragon, mas nauuna sa kanila ang malalim na lungkot sa kaibuturan ng kanilang pagkatao. Kaya kadalasan, kaunti lang ang kanilang tunay at tapat na kaibigan dahil likas silang malungkutin.


Gayunman, kung matututunan ng Dragon na sumali sa mga charitable institution works o religious congregations o sa mga samahang may adhikaing tumulong o sa mga samahang may kaugnayan sa espirituwalidad, higit na mapapanuto at lalo pang gaganda at susuwertehin ang kapalaran ng isinilang sa Year of the Dragon.


Tulad ng nasabi na, kapag pinairal at na-develop nang husto ang kanyang likas na tapang at lakas ng loob, mas malayo ang mararating niya at higit na magiging maligaya ang bawat pakikihamok at pakikipagsapalaran na kayang susuungin.


Dagdag pa rito, ang isang Dragon ay may matatag at mahirap baguhin na paninindigan o paniniwala, kaya kadalasan, napagbibintangan siyang dominante, may pagka-arogante at mayabang. Pero sa totoo lang, nagagawa lamang ‘yun ng Dragon kapag may isang bagay siyang ipinaglalaban at pinaninindigan. Ngunit hindi pa rin dapat kalimutan na sa kaibutran ng kanilang puso, tunay na nananaig pa rin ang kanilang mababang loob, dalisay na kabutihan ng puso at ang paghahangad na tumulong sa mga kapus-palad.


Sa katunayan, ang Dragon ay masasabing tapat at mabuting kaibigan, matulungin sa kanyang nasasakupan, lalo na sa mga taong inaapi ng lipunan. At siya rin ay mapag-aruga at mapagmahal na asawa. Kaya naman, sinasabing kapag nahulog ang loob sa iyo ng Dragon, talagang magiging mabuti, tapat at mapagmahal siya sa iyo habambuhay.


Sa kabila ng lahat, ang Dragon ay malaon nang nakatalaga bago pa siya isinilang sa dalawa lamang na pamimiliang kapalaran— una, malalaking tagumpay ng buhay ang sadyang sa kanila ay inilaan ng langit o isang magara at hindi kapani-paniwalang kabiguan.

Itutuloy


0 comments

Bình luận


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page