top of page
Search
BULGAR

Year of the Dog na isinilang sa gabi, agresibo kumpara sa ipinanganak ng umaga

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | June 22, 2021



Sa nakaraang mga araw ay tinalakay natin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Tandang o Rooster ngayong Year of the Metal Ox.


Sa pagkakataong ito, ang mga ugali at kapalaran naman ng animal sign na Dog o Aso ang ating tatalakayin.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dog o Aso.


Ang Dog ay siya ring zodiac sign na Libra sa Western Astrology na may ruling planet na Venus.


Likas na magiging mapalad ang Dog mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng gabi, habang ang mapalad naman niyang direksiyon ay ang kanluran (west) at hilagang-kanluran (northwest).


Sinasabing higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang Dog na isinilang sa gabi kung ikukumpara sa kapatid niyang Aso na isinilang sa araw.


Kung pagiging patas at makatarungan ang usapan, nangunguna rito ang Aso. Kung sila lang ang mamumuno, tiyak na paiiralin nila ang hustisya at katarungan dahil para sa Aso, ayaw na ayaw niyang makakita ng inaargabyado, inaapi at pinagkakaitan ng katarungan. Kaya naman sa propesyon, bagay na bagay sa kanya ang pagiging judge, abogado o politiko kung saan siguradong mapapairal niya ang patas at walang kinikilingang pamamahala.


Bukod sa tinitiyak na paiiralin ang hustisya, kilala rin ang Aso sa pagiging tapat, prangka at may malalim na kaisipan. Para sa isang Aso, hindi puwede ang simpleng solusyon dahil ang pinakamagandang solusyon sa anumang problema ay ito ay nilulutas nang may puso, damdamin at pag-aaruga at pagmamahal talaga sa mga taong namumroblema.


Kilala rin ang isang Aso sa kabaitan at simpatya sa kanyang kapwa, lalo na sa mga inaapi ng tadhana at lipunan. Kapag ganito na ang sitwasyon, makikitang may isang nagmamalasakit talaga sa kapakanan ng mga inaapi at pinagkaitan ng katarungan, kung saan hindi lang malasakit kundi ipinaglalaban din ng Aso ang karapatan ng mahihirap, inaapi at pinagkakaitan ng hustisya.


Kaya naman sa aspetong pulitika at pamumuno, kung sadyang bulok ang gobyerno o sistemang kinamulatan ng Aso, napu-frustrate siya sa ganu’ng sitwasyon, kaya naman gustong-gusto niya itong baguhin agad. Ngunit dahil ang bulok na sistema ng pamahalaan ay matagal nang umiiral sa bansa, pipilitin niya itong itama, baguhin at pairalin ang pagkakapantay-pantay at hustisya. Ngunit kadalasan, nabibigo ang Aso na baguhin ang sistema, kaya naman siya ay nasasadlak sa frustration at kalungkutan dahil hindi niya lubos maisip na nakikita at nararanasan ng mga tao ang mali at hindi makatarungang sistema, ngunit imbes na baguhin ay sinasakyan lamang nila ito at patuloy na pinaiiral.

Dahil dito, kadalasan ay makikitang nag-iisang nakikipaglaban ang Aso sa mga maling umiiral na sistema. Ngunit kahit nag-iisa siya ay patuloy pa rin siyang naninindigan, hanggang sa lumaon, karamihan sa mga Aso ay itinatanghal na martir, human rights leader at bayani.


Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page