ni Thea Janica Teh | December 7, 2020
Magsisilbi lang umanong paalala at self-defense sa mga lalabag sa health protocols ang paggamit ng yantok ng mga pulis, paglilinaw ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ngayong Linggo.
Ito ay matapos mabahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa paggamit ng yantok ng mga pulis panlaban sa mga lumabag sa health protocols. Ayon kay Police Lt. Gen. Cesar Binag, head ng JTF COVID Shield, gagamitin lang din ng mga pulis ang yantok bilang panukat sa isang metrong physical distancing.
Bukod pa rito, isa rin umano itong paalala sa publiko na kung may lumabag sa patakaran at manlaban ay mapipilitan ang mga pulis na gamitin ito bilang self-defense.
Dagdag pa ni Binag, maaaring humantong sa pagkakakulong ang hindi pagsunod sa health protocols kaya dapat itong seryosohin at hindi ipagsawalang-bahala.
Samantala, pinaalalahanan naman ng CHR ang mga awtoridad na dapat isipin pa rin ng mga ito ang karapatang-pantao kahit sa panahon ng pandemya.
Tinatayang umabot na sa 439,834 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong Linggo.
Comments