ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 28, 2022
Muli nating naranasan ang pagsapit ng Pasko nang masaya, masigla at mapayapa. Hindi tulad sa nagdaang dalawang taon, muling naisagawa ngayon sa maraming bahagi ng bansa ang mga nakaugaliang tradisyon, lalo na ang Simbang Gabi. Nabisita ng ating mga kababayan ang kanilang pamilya at kamag-anak sa probinsya. Nakapagdaos ng Christmas party ang mga kompanya, nakapag-reunion ang mga dating magkakaklase at magkakaibigan, at nakapagbalikbayan ang overseas Filipino workers para makapiling ang kanilang mahal sa buhay. Ang mga manggagawang Pinoy ay nagkaroon ng pagkakataong makapagpahinga at makapaglibang. At ang mga bata ay muling naranasan ang magkaroling at mag-enjoy sa iba’t ibang aktibidad na hatid ng Kapaskuhan.
Ang naging Christmas wish natin ay sana’y magtuluy-tuloy na ang ganitong sitwasyon, at makamit ng mga Pilipino ang pagsulong at pag-unlad sa malapit na hinaharap. Maging mabilis ang pagbangon ng ekonomiya, makalikha ng maraming trabaho at oportunidad para sa ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap, magkaroon ng seguridad sa pagkain, malakas na healthcare system dahil importante ang kalusugan ng lahat at edukasyon para sa kabataan, kasabay ng paghubog sa talento sa iba’t ibang larangan kasama na ang sports. Hangad natin ang patuloy na kapayapaan, tuluyang masugpo ang droga at kriminalidad maging ang katiwalian.
Muli tayong nagpapasalamat sa lahat nating kababayan na sa kanilang sariling paraan ay naghandog ng regalo sa mahihirap at higit na nangangailangan. Ang Panginoon na ang bahalang magsukli sa inyong ginagawang kabutihan sa kapwa.
Samantala, Pasko man o ordinaryong araw ay hindi natutulog ang serbisyong may tapang at malasakit. Noong Disyembre 23, kasama si dating pangulong Rodrigo Duterte ay binisita natin ang mga batang inabandona na kinakalinga sa Balay Dangupan, Davao City. Nakatanggap ng regalo mula sa amin ni Tatay Digong ang 49 bata at 23 staff ng naturang shelter. Bukod sa pagkain, namahagi rin tayo ng Christmas baskets, cellphones at tablets. Namigay din tayo ng mga bolang pang-basketball at pang-volleyball; paraan ito para may mapaglibangan sila.
Samantala, noong araw ding iyon ay bumisita tayo sa mga minamahal nating lolo’t lola sa Co Su Gian Home for the Aged, sa Davao City upang magkaloob ng mga aguinaldo.
Samantala, dahil panahon din para magsaya, hinihiling natin na suportahan ang industriya ng pelikulang Pilipino. Manood tayo ng mga kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong taon. Marami rin sa manggagawa sa pelikula, lalo na ang mga nasa likod ng camera, ang naapektuhan ang kabuhayan dahil wala silang projects nang pumutok ang pandemya. Sana’y maging simula ang 2022 MMFF sa muling pagsigla ng pelikulang Pilipino, at muling mabigyan ng pagkakataon ang mga nasa industriya na makabalik sa kanilang hanapbuhay.
Ilang araw na lang at magpapalit na ang taon. Maganda ang naging momentum ngayong 2022 sa pagbaka sa pandemya at natanaw natin ang tinatawag na “light at the end of the tunnel” at unti-unti tayong nakababalik sa normal na buhay. Ang pakiusap lang ay ipagpatuloy natin ang pag-iingat dahil nariyan pa rin ang panganib ng virus, magpabakuna kung kuwalipikado dahil mas protektado kung bakunado, sumunod sa health protocols, lalo na ang pagsusuot ng face mask kung hindi naman sagabal, palaging maghugas ng mga kamay at panatilihin nating malakas ang ating katawan.
Yaman ng bansa ang malusog na mamamayan. Higit sa lahat, manatili sana sa ating puso ang pagmamahalan—na tunay na kahulugan ng Pasko.
At sa pagtatapos ng taon, sana’y suportahan natin ang pamahalaan, ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa tuluyang pagbangon mula sa pandemya na dulot ng COVID-19. Sama-sama nating harapin na puno ng pag-asa ang pagbubukang-liwayway ng bagong taon bilang nagkakaisa at mas matatag na sambayanan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments