ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 13, 2020
Dear Doc. Shane
Masyadong pawisin ang aking singit at napansin kong mayroon itong pantal na malaki, mapula at makating-makati. Ito ba ang tinatawag nilang hadhad? Ano ang dapat gawin upang hindi ito lumala o tuluyan ng mawala? – JL
Sagot
Ang hadhad ay impeksiyon sa balat na kadalasang tumutubo sa bahagi ng singit. Ito ay tila malalaking pantal na mapula at makati. Ang mga organismong nagdudulot nito ay mga fungi, tulad ng Trichophyton rubrum o “T. mentagrophytes”.
Ang mga fungi ay madalas naninirahan sa singit o pawising bahagi ng ating katawan. Bukod sa singit, naaapektuhan din nito ang mga paa kaya maaari ring magkaroon ng alipunga o athlete’s foot ang mga taong may hadhad.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sanhi nito:
Hindi wastong paglilinis ng katawan
Panghihiram ng mga personal na kagamitan ng taong may hadhad
Pakikipagtalik sa taong may hadhad
Paghawak sa mga infected na exercise equipment
Ang hadhad ay hindi naman mabilis na nakahahawa. Subalit, maaaring mahawaan nito kapag direktang nadikitan ang balat ng bahaging may hadhad. Upang hindi mahawaan at magkaroon ng ganitong sakit sa balat, iminumungkahi nating gawin ang mga sumusunod:
Panatilihing malinis at tuyo ang mga singit pati na rin ang mga karatig-bahagi nito.
Maligo araw-araw at ugaliing maglinis ng katawan bago matulog.
Magsuot ng malinis at komportableng damit — iwasan ang pagsusuot ng mga hapit o masisikip na kasuotan lalo na sa pang-ibaba.
Iwasang manghiram ng mga personal na kagamitan, partikular ang mga damit pang-ibaba o underwear, tuwalya at sports uniform.
Palaging magsuot ng tsinelas o sapatos.
Linisin ang kagamitan lalo na kung ginagamit ito sa pang-eehersisyo. Punasan ito ng disinfectant upang mapatay ang anu mang mikrobyo.
Lagyan ng antifungal powder ang mga singit.
Samantala, maaaring magpahid ng mga antifungal cream na maaaring mabili sa botika, ngunit kung wala itong epekto, makabubuti kung magpapakonsulta na sa doktor nang sa gayun ay maresetahan ka ng mga antifungal medication na iniinom.
Comments