top of page
Search
BULGAR

Worried sa dahilan kung bakit namamaga ang binti ng tatay

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 4, 2021





Dear Doc. Shane,


Namamaga ang isang binti ng aking tatay. Nag-iiba ang kulay nito dahil medyo madilaw. May cancer siya sa atay at natigil na sa pag-chemo niya. Sa bahay na lang siya at ayaw magpagamot. Ano ang dapat gawin? – Anton


Sagot


Tinatawag na “edema” ang pamamaga ng mga paa, bukong-bukong at binti. Dahil ito sa labis na mga tubig na naiipon sa mga tissue. Dahil sa gravity, napupunta ang labis na tubig sa katawan sa pinakamababang bahagi. Ito ang dahilan kaya ang mga binti at paa ang pinaka-apektado.


Kabilang sa mga sanhi ng edema ay:

  • Sakit sa puso (congestive heart failure o “CHF”)

  • Matagal na pagtayo o pag-upo (na nakababa ang mga binti)

  • Impeksiyon sa mga paa o binti

  • Venous Insufficiency (pamumuo ng dugo sa mga ugat ng binti)

  • Varicose veins (lumaking mga ugat ng ibabang binti)

  • Mga garte, o damit na nasasakal ang mga binti

  • Buwanang dalaw na may fluid retention

  • Renal insufficiency (isang anyo ng sakit sa bato o kidney)

  • Pagpalya ng atay

  • Pagbubuntis


Makatutulong ang mga sumusunod:

  • Huwag magsuot ng pantalon na makakasakal sa mga binti

  • Itaas ang mga binti habang nakahiga o nakaupo

  • Kung ang impeksiyon, pinsala o kamakailang operasyon ang sanhi ng pamamaga, huwag gamitin ang mga binti hanggang sa bumuti ang mga sintomas

  • Kapag sinabi ng doktor na ang pamamaga ng binti ay sanhi ng venous insufficiency o varicose veins, huwag umupo o tumayo sa isang lugar nang matagal

  • Magpahinga at maglalakad-lakad


Mahalagang magpakonsulta agad sa doktor kapag napansin ang ilan sa mga ito:

  • Bago o lumalalang kakapusan sa paghinga o pananakit ng dibdib

  • Tumitinding pamamaga sa parehong mga binti o bukong-bukong

  • Pamamaga ng tiyan

  • Pamumula, pagiging mainit o pamamaga ng isang binti

  • Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas pa

  • Naninilaw na balat o mga mata

  • Mabilis, hindi maipaliwanag na pagbigat ng timbang

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page