ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 19, 2024
Dear Maestro,
Gusto ko sanang itanong kung kami na ba ng boyfriend ko ang magkakatuluyan at wala na bang magiging hadlang sa aming pagmamahalan?
Three years na kaming mag-on, pero nito lamang last year ay dumaan kami sa isang mabigat na pagsubok. May isang babae ang nagkagusto sa kanya, at naging MU sila nang hindi ko alam.
Mabuti na lang ay inamin niya sa akin, dahil nakokonsensiya na raw siya, kaya naman agad ko siyang pinapili. Good news, ako ang pinili niya.
Mula nang piliin niya ako, pinutol niya na rin ang komunikasyon niya sa babaeng iyon.
Balak na sana namin magpakasal sa susunod na taon. Maestro, matutuloy kaya ito? Ano’ng buwan at petsa rin ang favorable sa amin?
Ang birthday ko ay August 23, 1995, habang May 7, 1994 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Abbie ng San Roque, Bolinao, Pangasinan
Dear Abbie,
Kung mayaman o may kaya sa buhay ang lalaking pakakasalan mo, tiyak na kayo ang magkakatuluyan. Nangyaring ganu’n ang pag-aanalisa, sapagkat ang mga babaeng Taong Singko na ating tinatawag, tulad nilang may bitbit na numerong 5, 14, at 23, ay kadalasang nakakapag-asawa ng mayaman.
Sa kaso mo, dahil Virgo ang zodiac sign mo, habang Taurus naman ang sa boyfriend mo, tunay ngang tugma at compatible kayo sa isa’t isa.
Ibig sabihin, malaki ang pag-asa na kayo na nga ang magkatuluyan, lalung-lalo na kung ang inyong anibersaryo ay tumapat sa buwan ng Oktubre o Nobyembre.
Samakatuwid, bukod sa sarili n’yong zodiac sign, ang Agosto hanggang Setyembre, at Abril hanggang Mayo, ang mga buwan na favorable sa inyong dalawa.
Kaya kung nagbabalak na kayong magpakasal sa susunod na taon, ituon ninyo iyon sa nasabing mga buwan.
Piliin ang petsa kung saan nasa strong number category ang petsa, tulad ng petsang 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17, at 26, upang maging favorable sa weak number na 7 ng boyfriend mo at favorable rin ang nasabing mga petsa sa neutral number mong 23.
Kung saan, bukod nga pala sa nasabing mga petsa sa nasabing kasal, puwede n’yo ring isaalang-alang ang sarili mong numero na 5, 14 at 23, upang mas maging lapitin naman ng pera o materyal na bagay ang inyong samahan.
Huwag ninyo kalimutang ituon ang araw o petsa ng kasal. Kung saan, nasa full moon, new moon o first quarter ang buwan, upang sa gayun ay mas umunlad ang inyong samahan.
Ayon sa inyong Love Calendar, wala na ngang magiging hadlang pa sa inyong pagmamahalan, sapagkat sa darating na taong 2025, sa nasabing mga buwan, magiging malaya at masaya na kayo, kasabay ng pagbuo ninyo ang inyong tinatamasang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Comentários