ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 18, 2021
Dear Doc. Shane,
Sa edad kong 37 ay malakas pa rin ang aking regla, halos nakaka 6 hanggang pitong pads ako sa isang araw. Wala naman akong kakaibang nararamdaman kaya lang worried ako na baka maging anemic ako dahil dito. Ayoko nang magkaanak pa kaya sa ngayon ang gamit ko ay IUD, may kaugnayan kaya ito sa lakas ng aking regla? – Jessica
Sa karaniwang kaso, ang babae ay nakapaglalabas ng apat hanggang anim na kutsara ng dugo sa panahon ng kanyang pagreregla. Subalit, ang sukat na ito ay maaaring madoble ng lamad (mucus), selula at piraso ng himaymay (membrane) mula sa endometrium at magmukhang namumuong dugo. Ang dugo na mula sa pagreregla ay karaniwang hindi namumuo dahil ang matris ay gumagawa ng enzyme na sumisira sa mga mekanismong nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo.
Ang regla, ang yugto na nagwawakas ang itlog na hindi pertilisado at dumadaloy palabas sa ari ng babae. Normal lang na malakas ang regla ng babae sa panahon ng pagdadalaga at kung nalalapit na ang panahon ng menopause (tuluyang paghinto ng regla).
Narito ang ilang sanhi ng menorrhagia: Ang isa sa mga sanhi ng menorrhagia ay ang paggamit ng Intra-Uterine Device (IUD) na ipinapasok sa ari para maiwasan ang pagbubuntis; ang pagkakaroon ng mga tumor o kanser sa uterus at ang pagbabago ng hormone na may palatandaan ng malabis na produksiyon ng estrogen. Ang labis na paggamit ng aspirin o iba pang gamot na nakapagpapabilis sa pagnipis ng dugo na maaari ring maging dahilan ng abnormal na pagreregla. Maaaring nakukunan ang babae na siyang sanhi ng malakas na pagdurugo lalo na kung dumarating ito sa unang bahagi ng pagbubuntis. Inaakala ng maraming kababaihan na ito ay malakas lamang na daloy ng regla. May kinalaman sa malakas na pagdurugo ang tubal pregnancy, endometriosis, alta-presyon, diabetes at sakit sa dugo.
Ang mga babaeng naninigarilyo ay limang ulit ang panganib na magkaroon ng menorrhagia kaysa sa mga babaeng hindi naninigarilyo. Hindi pa lubusang natutuklasan ang dahilan nito may hinuha ang ilang mananaliksik na ang paninigarilyo ay nakapipigil sa paglabas ng itlog sa obaryo.
Ano ang dapat gawin? Ang madalas at malakas na pagreregla ay nangangailangan ng kumpletong check-up tulad ng pelvic examination, pap smear, pag-eeksamin sa dugo at ihi. Ang pagsusuri sa hormone ay magtitiyak kung mayroon o walang ovulation o kaya ay ‘di balanse ang produksiyon ng hormone.
Maaaring sumailalim ang babae sa pelvic sonogram at hysteroscopy, na ang matris ay sinisilip sa pamamagitan ng fiberoptic viewing tube at ng D and C (dilation and curettage) na ang cervix ay pinaluluwag, pagkaraan ay kinakayod nang bahagya ang isang bahagi ng pinakadingding ng uterus upang masuri sa anumang sakit na taglay.
Ang malakas na pagreregla ay maaaring maging sanhi rin ng iron deficiency anemia'. Kapag napatunayan ito, iminumungkahi ang pag-inom ng suplementong iron. Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa iron ang atay at iba pang karne mula sa laman-loob ng hayop, pulang karne, halamang-ugat, tahong, isda, pinatuyong apricot, tinapay at cereal.
Comments