top of page
Search
BULGAR

Worried kung psoriasis patse-patse sa balat na namumula at nangangaliskis

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 1, 2020




Dear Doc. Shane


Ako ay mayroong patse-patse sa bandang tuhod. Namumula ang mga ito at parang nangangaliskis. Nakakita na ako ng ganito sa isa sa mga katrabaho ko at sabi niya may psoriasis daw siya. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa psoriasis? – Pia


Sagot


Mayroong iba’t ibang uri ang sakit na psoriasis at sa bawat uri na ito ay may iba’t ibang sintomas na maaaring maranasan.


Ngunit para sa karaniwang kondisyon ng psoriasis, narito ang ilan sa mga sintomas:

  • Nangangapal at namumulang patse-patse sa balat na kadalasang nakikita sa mga siko at tuhod

  • Pangangaliskis at pamamalat ng bahagi ng apektadong balat

  • Pagsusugat ng bahagi ng balat na natuklapan

  • Pabibitak at pagkakaliskis ng anit

  • Pangangati ng apektadong balat

  • Pagtutuklap at pamumuti ng mga kuko


Ang mga sintomas na nararanasan ay maaaring lumala dahil sa sumusunod:

  • Malamig na temperatura

  • Tuyong klima o masyadong mainit na panahon

  • Stress


Ang psoriasis ay maaaring iklasipika sa tatlong kategorya — mild, moderate at severe.

Ito ay depende kung gaano kalawak ang balat na naaapektuhan. Habang lumalala ang kaso ng psoriasis, mas humihirap din ang gamutan dito.

  • Mild psoriasis. Kakaunting bahagi lamang ng balat ang naapektuhan ng sakit. Ito ay kadalasang nakikita lamang sa mga siko at tuhod.

  • Moderate psoriasis. Ang apektadong balat ay mas malawak. Maaaring apektado rin ang anit. Tinatayang 20% ng balat ang apektado nito.

  • Severe psoriasis. Bukod sa apektadong balat sa anit, mga siko at tuhod, apektado rin ang balat sa mukha, dibdib, likod at mga kamay. Maaaring ito’y may pagsusugat at may kaakibat pananakit ng kasu-kasuan na tinatawag na psoriatic arthritis.


Makabubuting personal na magpatingin sa doktor sa simula pa lang na maranasan ang mga nabanggit na sintomas. Ito’y para makatiyak kung ano’ng uri ng sakit ang nakapagdudulot ng mga sintomas sa balat.


Tandaan na may ilan ding sakit na mayroong kaparehong sintomas sa psoriasis kung kaya’t mainam na magpatingin sa dermatologist upang makasiguro. Gayundin kung ang mga sugat sa balat ay makikitaan ng impeksiyon.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page