ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 5, 2021
Dear Doc. Shane,
Nagtataka ako kung balik pabalik-balik ang pagtubo ng pigsa sa aking katawan kahit pa malinis naman ako sa katawan. Bakit kaya ganu’n? – Gerald
Sagot
Ang pigsa ay bukol sa balat na namumula at maaaring maging napakasakit. Ito ay maaaring dulot ng bakterya. Ang mikrobyo na kadalasang sanhi ng pigsa ay ang staphylococcus aureus.
Sa pagdaan ng ilang araw, ang namumulang pigsa ay mapupuno ng nana. Ito ay kadalasang tumutubo sa hair follicles na nagkaroon ng impeksiyon. Pero ang pigsa ay maaaring tumubo kahit saan sa katawan.
Ang mga bahaging ito ng katawan ay mas pinagpapawisan o may partikular na iritasyon. Ang sobrang pawis at iritasyon ay perpektong kombinasyon para tumubo at lumala ang pigsa. Ang mga pigsa na tumubong sabay-sabay ay tinatawag na carbuncle.
Sa pagsisimula, ang pigsa ay kasinlaiit lamang ng ulo ng aspile. Subalit habang ito ay napupuno ng nana, ito ay mas lalaki at magiging mas masakit. Ang balat sa palibot ng pigsa ay mamumula rin at mamaga. Ang pinakagitnang bahagi ng pigsa ay tinutubuan ng mga mata, na kadalasan ay kulay dilaw.
Ang mga sumusunod na kondisyon ay maaari ring maging dahilan ng pagkakaroon ng pigsa:
Diabetes
Sakit sa immune system
Malnutrisyon
Kakulangan sa kalinisan sa katawan
Pagkahantad sa mapaminsalang mga kemikal
Narito ang ilang tips para gumaling agad ang pigsa:
Huwag susubukang tirisin ang pigsa. Maaaring kumalat ang impeksiyon kapag pinisa ito. Tataas din ang posibilidad na magkaroon ng secondary infection kapag ginawa ito.
Basain ng maligamgam na tubig ang face towel at idampi sa lugar na may pigsa ilang ulit sa loob ng maghapon.
Diinan nang kaunti kapag dinadampian ng basang towel ang pigsa, pero tiyaking hindi ito mapipisa.
Kapag napisa na ng kusa ang pigsa, patuloy pa rin itong takpan ng malinis na tela o gasa. Tulong ito para maiwasan na mahawa pa ang impeksiyon sa ibang parte ng balat.
Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos na hawakan ang pigsa. Makakatulong din ito na maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.
Ano ang dapat gawin sa pabalik-balik na pigsa?
Kung pabalik-balik ang pigsa halimbawa at tatlong beses taon-taon, malamang ito ay recurrent furunculosis. Ito ay isang uri ng pigsa na mabilis makahawa, lalo na sa mga kapamilya dahil ito ay pabalik-balik.
Kadalasan, ang recurrent furunculosis ay tumutubo sa mga bahagi ng katawan naiipit tulad ng sa ilalim ng mga suso, ilalim ng tiyan, kili-kili at singit.
Ang recurrent furunculosis ay hindi maaaring i-self medicate! Magpatingin sa doktor kung sa tingin meron nito.
Paano makaiiwas sa pagkakaroon ng pigsa?
Panatilihing natatakpan ng malinis na tela o gasa ang pigsa sa lahat ng panahon.
Maghugas ng mabuti gamit ang sabon sa tuwing mahahawakan mo ang pigsa. Linisin ito ng regular.
Kung may pigsa, ang pagpapanatiling malinis ng mga damit at higaan sa pamamagitan ng regular na paglalaba ng mga ito. Labhan ang mga damit gamit ang mainit na tubig. Magdagdag ng bleach sa sabon na ginagamit mo.
Iwasan ang paghiram at pagpapahiram ng mga personal na gamit tulad ng pang-ahit, tuwalya, sapatos at iba pa.
Comments