ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 9, 2021
Dear Doc. Shane,
Kapapanganak ko pa lang sa aming panganay. Kaya lang, napansin ng mister ko na naninilaw ang aming baby. Ang sabi ni mama ay ibilad ko raw sa araw kapag umaga, ginagawa ko naman ‘yun pero parang hindi naman nawawala ang paninilaw sa kanyang balat pati sa mga mata. Ano ba ang dapat kong gawin? – Ella
Sagot
Ang newborn jaundice o paninilaw ng balat o mga mata ng sanggol matapos ipanganak ay dahil sa mataas na lebel ng bilirubin sa dugo. Ang pag-breakdown ng red blood cells ang sanhi ng pagkakaroon ng bilirubin sa dugo. Normal itong tinutunaw at inaalis sa katawan ng ating atay.
Karaniwang napapansin ang jaundice dalawa hanggang tatlong araw matapos ipanganak ang sanggol. Puwede itong tumagal hanggang dalawang linggo. Madalas, napapansin ang jaundice sa mukha, dibdib, tiyan, mga braso at binti. Mas mahirap daw itong mapansin sa mga sanggol na maitim ang kompleksiyon.
Mga sintomas ng jaundice maliban sa paninilaw ng balat:
Paninilaw ng sclera o ang puting parte ng mga mata
Antukin
Pangangati
Maputlang pagtatae
Walang gana ‘pag bini-breastfeed
Maitim ang kulay ng ihi
Ang severe infant jaundice naman ay mayroon pang dagdag na sintomas tulad ng sumusunod:
Paninilaw ng braso at tiyan
Hindi bumibigat na timbang
Jaundice na tumatagal nang mahigit sa tatlong linggo
Ayon sa Medical News Today, walang dapat ikabahala ang mga magulang dahil natural nang mawawala ang jaundice. Pero kung lumagpas pa ito sa dalawang linggo, maaaring payuhan ng doktor na kailangang magpa-blood at urine test ang bata para malaman kung bakit hindi pa rin nawawala ang jaundice.
Comentarios